Prayoridad ng tambalan nina presidential aspirant Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte na tulungan ang mga magsasaka na makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga karampatang tulong para tumaas ang kanilang ani at madagdagan ang kanilang kita.
At dahil sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga imported na fertilizer, plano nila na dagdagan at palakasin ang lokal na produksyon nito upang hindi na kailangan pang umangkat sa ibang bansa.
Ang mga pataba ay mahalagang bahagi ng pagsasaka at ginagamit ng mga magsasaka upang matiyak na magiging mas mabunga ang kanilang mga pananim.
Subalit kung patuloy na tataas ang presyo nito ay madagdagan ang kanilang mga gastusin at tiyak na maapektuhan ang presyo ng kanilang mga produkto kapag dinala na nila ang mga ito sa mga pamilihan.
Ayon sa BBM-Sara UniTeam, kaisa sila sa panawagan ng mga magsasaka na dapat ay hindi na tayo umasa sa mga imported na fertilizer na nagpapahirap sa kanila dahil sa patuloy na paglobo ng presyo nito.
“Sa aming pag-iikot sa mga probinsya, ang kadalasang inirereklamo sa amin ng mga magsasaka ay ang mahal na presyo ng mga fertilizer dahil nga karamihan dito ay galing sa ibang bansa,” sabi nila.
Iginiit pa ng Bongbong-Sara tandem na bukod sa paglalaan ng sapat na pondo, plano rin nilang ipatupad ang isang strategic roadmap para sa pagtatayo ng lokal na produksyon ng mga pataba na nakadisenyo para matulungan ang mga magsasaka.
“Hindi dapat importasyon ang laging sagot sa ating kakulangan ng supply. Dapat palakasin natin ang produksyon sa ating bansa para mabawasan ang paghihirap ng mga magsasaka,” ayon pa sa BBM-Sara UniTeam.
Idiniin nila na puwede naman ang local production ng pataba sapagkat mayaman ang bansa sa mga kailangang sangkap para sa paggawa nito.
Idinagdag pa nila na makakatulong din ito para makapagbigay ng trabaho sa mga Pilipino.
Ayon sa Fertilizer and Pesticide Authority, naging doble ang presyo ng mga pataba nitong Nobyembre 15 hanggang 19 kumpara sa presyo noong nakaraang taon.
Halimbawa, ang presyo ng UREA ay umabot na sa P2,098.91 kada 50 kilo, na higit mataas sa P1,049 halaga nito sa parehong panahon noong isang taon.
Tumaas din ang diammonium phosphate ng 36 porsiyento sa P2,164.77, at ang ammonium sulfate fertilizer naman ay ibinebenta ngayon sa P1,051.68 kada 50 kilo, na 74 porsiyentong mas mataas kumpara noong isang taon.
Sinasabing isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng pataba sa pandaigdigang merkado ay dahil sa tumataas na pangangailangan dito ng mga malalaking bansa na India, Australia at Brazil.
Itinuturo ring dahilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
“Lalong magiging kawawa ang ating mga magsasaka kung patuloy silang pahihirapan ng napakataas na presyo ng mga pataba, kaya dapat ay masolusyunan agad ito,” diin pa ng BBM-Sara UniTeam.