BBM-SARA UNITEAM NAGPAKITA NG LAKAS SA CARAVAN

bbm-sara

MILYON-milyong tagasuporta ng BBM-Sara Uniteam ang nagpakita ng kanilang lakas sa pamamagitan ng malawakang caravan ngayon na tinaguriang “Caravan para sa pagkakaisa, kapayapaan at pag-unlad” sa iba’t ibang lungsod at probinsiya sa buong bansa.

Ang serye ng “unity ride” ay pinangunahan ng grassroots supporters nina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at vice presidential aspirant Davao Mayor Sara Duterte na nagsimula dakong ika-pito ng umaga sa mahigit 15 probinsiya at 30 lungsod sa Mindanao, Bicol, Calabarzon, Metro Manila hanggang Abra at Northern Luzon.

Tila nagkulay pula at berde ang bansa dahil sa serye ng caravan na sa kauna-unahang pagkakataon simula nang ianunsiyo ang kanilang tambalan, ay dinaluhan nina Bongbong at Sara para pangunahan ang caravan ng supporters sa Davao del Norte.

Sinuyod ng BBM-Sara Uniteam ang Carmen at Tagum City sa Davao del Norte na kinuyog ng libo-libong taga-suporta.

Sa kauna-unahang pagkakataon bilang tandem, magkasunod ding nagsalita si Bongbong at Sara sa harapan ng publiko sa Tagum City.

“Salamat sa inyong suporta at salamat sa inyong pagsama sa amin ni Sara sa pagbangong muli. Babangon tayong muli,”pahayag ni Bongbong.

“Protektahan natin ang ating kandidato, protektahan natin ating presidente at protektahan natin si BBM.” ayon naman kay Sara na nanawagan din ng pagkakaisa.

Pinangunahan din ng BBM-Sara Uniteam ang oath-taking ng mga bagong opisyal at kandidato ng Partido Federal ng Pilipinas  kung saan si Marcos and standard-bearer. Kasabay rin nito ang pagpapasinaya sa bagong headquarters ng PFP sa Tagum city.

“Sobrang overwhelming, makita ko pa lamang ang mga post at mga live videos sa social media ng ating mga taga-suporta ay sobrang nakatataba ng puso. Hindi ko alam kung paano sila lahat mapasasalamatan sa mga effort na ipinakita nila,” sabi pa ni Bongbong.

Libo-libo rin ang dumalo sa caravan sa Ilocos Sur at Norte na kilalang “Solid North” at matagal nang sumusuporta sa pamilya Marcos. Lumahok din sa serye ng motorcade ang mga residente ng mga probinsiya ng Isabela.

Halos napuno naman ang mga kalsada ng BBM supporters sa Abra na aabot ng mahigit 15, 000 na pinangunahan ni Abra Rep. JB Bernos kasama ang iba pang lokal na opisyal sa pro­binsya.

HIndi rin nagpaiwan ang supporters ng BBM-Sara Uniteam sa Panga­sinan, Nueva Ecija at Bataan na kanya-kanya ring nakiisa sa ginawang “unity ride.”

Karamihan sa supporters ay iginiit na nagpakita umano sila ng suporta sa BBM-Sara Uniteam lalo na kay Bongbong na patuloy binabato ng mga mapanira ngunit hindi totoong akusasyon.

“Habang binabato nila si Marcos ng kung ano-anong paratang lalo naming ipapakita na mas matindi at matibay ang suporta namin sa kanya. Katulad ng panawagan ni Bongbong na pagkakaisa, itong caravan ang pagpapakita namin ng pagkakaisa,” ayon kay Isidro Lanting na dumalo sa caravan sa Pangasinan caravan.

Lumahok din sa serye ng motorcade ang supporters ni Marcos sa Bicol region, Cavite, Batangas, Quezon at maging sa Laguna.

Mayroon ding caravan sa Metro Manila, kabilang ang Parañaque, Quezon city, Caloocan, Pasay at Maynila. Ang bikers na BBM-Sara Uniteam supporters ay  nagsagawa pa ng clean-up drive sa Manila Bay malapit sa Mall of Asia sa Pasay city.

Hindi rin nagpahuli sa unity ride ang mga probinsya sa Visayas at Mindanao kabilang ang Bacolod, Aklan, at Cagayan de Oro.

Sa Cagayan de Oro pa lamang, kinumpirma rin ng mga lider sa lugar na aabot sa mahigit 10, 000 and dumalo base na rin sa mga kumpirmadong nagpa-rehistro sa naturang motorcade.

“Sa mga organizers at sa lahat-lahat na bo­luntaryong nag-asikaso, nagpuyat at nagtulong-tulong para lamang maisakatuparan ang unity ride na ito ang tanging itutugon ko lamang sa inyo ay ang pagbibigay ng magandang serbisyo publiko bilang pasasalamat sa suportang ipinakita niyo sa amin sa BBM-Sara Uniteam,” ani Bongbong.

Bukod sa mga serye ng caravan, kita rin ang lakas ng suporta sa BBM-Sara Uniteam na kapwa naniniwala sa mapagkaisang liderato o “unifying leadership” dahil sa patuloy nilang pamamayagpag sa mga survey na isinagawa kamakailan.