BBM-SARA UNITEAM PRAYORIDAD ANG PAMIMIGAY NG MGA GAMOT SA VISMIN 

BBM-SARA

TULOY-TULOY lang ang pagtutulungan nina UniTeam presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at ka-partner niya na si vice presidential bet Sara Duterte para matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan na nasalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.

Para kina Bongbong at Sara bukod sa mga pagkain, malinis na tubig at pagsasaayos ng mga nasirang linya ng kuryente, gusali at tahanan ang isa sa pinaka-prayoridad na dapat gawin ay ang pamamahagi ng mga kailangang gamot at bitamina para sa mga maysakit sa apektadong mga lugar..

Anila, mahalaga na mabigyan din ng kaukulang pansin ang kalusugan ng mga biktima ng bagyo lalo na ang mga senior citizen, mga bata at mga sumasailalim sa mga maintainance medication at iba pang nangangailangan ng mga gamot sa mga sakit gaya ng ubo, sipon at lagnat.

“There is one item, hindi ko alam kung may problema kayong ganito dito pero ‘yung sa iba ang nagiging problema ‘yung sa gamot para sa mga maintenance na walang makapasok lalo na para sa mga senior (citizens), at ibang mga gamot medikal sa mga may sakit,” sabi ni Marcos.

Kaya naman hindi na nag-aksaya ng oras ang BBM-Sara UniTeam para manawagan para makahanap ng mga gamot at iba pang tulong na medikal para agad mapadala sa mga apektadong lugar sa Visayas at Mindanao.

“But seriously when I get back to Manila magtatawag na ako at maghahanap na kami, tulad ng Mercury Drug, Unilab, kung anong makuha natin isusunod natin,” pahayag ni Marcos.

Sa kasalukuyan, may mga tulong na mula sa mga medical supplies company ang dumating at patuloy pa rin ang pangangalap ng iba pang mga tulong medikal para matugunan ng sapat ang mga nangangailangan ng gamot medikal.

“Nagpapasalamat tayo sa mga nagpaabot na ng kanilang tulong para sa mga gamot na medikal na kailangan ng ating mga kababayan na nasalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao. Patuloy pa rin tayong maghahanap at tatanggap ng mga tulong mula sa iba’t ibang kumpanya para naman matugunan natin ng sapat ang pangangailangang pangkalusugan ng ating mga kababayan,” sabi ni Marcos.