SINABI nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at ng running-mate na si vice-presidential bet Inday Sara Duterte na seguridad sa trabaho at pananalapi ang pangunahing prayoridad ng kanilang programa sakaling palaring manalo sa darating na 2022 national elections.
Sa harap ng libu-libong Caviteño na dumalo sa UniTeam caravan na isinagawa nitong Huwebes, sinabi ni Marcos na batid niya ang pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan. Kaya sakaling palarin na maging pangulo ng bansa, ito rin ang pangunahing programa ng kanyang administrasyon.
“Ang hangarin nating lahat ay makabalik sa trabaho ang mga Pilipino. Magkaroon muli ng pera sa kanilang bulsa na pambayad sa kanilang pangangailangan na kahit papano hindi lamang makaramdam ng kaunting ginhawa muli sa kanilang buhay ngunit mayroon pa na pag-asa na magandang kinabukasan,” ani Marcos, standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas.
Binigyang-diin ng dating senador na isa sa susi upang magkaroon ng magandang kinabukasan ay iparamdam sa taumbayan na may pag-asa para makabalik sa dating sigla ang ating ekonomya.
“Tingnan natin ang karanasan. Tingnan natin ang kasaysayan ng ating bansa. Sa lahat ng krisis na hinarap ng Pilipinas, tayo po ay nakaraos lamang dahil ang mga Pilipino ay nagkaisa. Ang mga Pilipino ay nagtulungan. Ang Pilipino ay nagka-bayanihan, lumabas na naman po ang likas na ugaling ‘yan,” ani Marcos.
Sinabi ni Marcos na isa sa napagkausunduan nila ng kanyang running-mate ay maging simbolo ng pagkakaisa. “Dahil kung ang taga-Ilocos at taga-Davao na nanggagaling sa magkabilang sulok ng Pilipinas ay maaring magsama, siguro naman ang lahat ng Pilipino’y maaari nating isama at ipagsama uli…. magkaisa muli.”
Batid ni Marcos na trabaho at pera sa bulsa ang pangunahing pangangailangan ng mga kababayan ngayon kaya ito rin ang prayoridad nila ni Mayor Sara – ang mapabuti ang buhay ng lahat at iparamdam na may naghihintay pa ring magandang kinabukasan ang bansa.
Samantala, sinabi ni vice-presidential bet Sara Duterte na walang maitutulong na mabuti kung ang Pilipino ay mag-aaway-away. Sa panahon ngayong pandemya, mahalaga ang pagtutulungan ng lahat.
Isa rin aniya ito kaya hindi siya nagdalawang isip na maging running-mate si Marcos.
Sinabi nitong bago pa man siya pumayag na makatambal ang dating senador, tinanong niya si Marcos kung ano ang ang dapat gawin sa bansa ngayong dumaranas ang Pilipinas ng matinding pagsubok sa buhay. “Sagot niya sa akin, ‘Inday Sara, bago pa man magpandemya, mayroon nang mga naghihirap. Nung dumating ang pandemya, lahat tayo tinamaan sa ating mga buhay. Iba’t ibang klaseng epekto ang dala ng pandemya sa buhay ng mga Pilipino’,” pagbabahagi ni Inday Sara.
“Sabi niya, ‘Ang kailangan ng mga tao ay pera. Sabi niya iyong mga tao, kailangan ng trabaho. Iyon yung magdadala ng pera. Ang mga tao dapat marunong magnegosyo. Dapat mayroong nagnenegosyo sa lahat ng lugar sa ating bansa dahil iyon ang nagdadala ng trabaho at iyon ang kailangan ng mga tao…pera at trabaho’,” paglalahad pa niya.
“Isang tanong lang, isang sagot lang, nasabi niyang lahat sa akin ang anumang gusto kong marinig. Bakit UniTeam? Bakit UniTEam ang tawag namin at gusto naming ipakita sa inyong lahat dahil paniwala namin sa susunod anim na taon dapat magkaisa tayong lahat,” sabi pa ni Duterte.
Kapwa pinasalamatan nina Marcos at Duterte ang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga Caviteno.
Anila, kung nararamdaman na ang malamig na Simoy ng Pasko, mas ramdam nila ang mainit na pagmamahal ng libu-libong Caviteno na nakiisa sa makasaysayang Unity caravan.
“Dito po sa Bacoor, sa lalawigan ng Cavite sa araw na ito tayo sinimulan natin ang kilusan ng pagkakaisa muli ng sambayanang Pilipino para sa pagpaganda ng buhay ng bawat mamamayang Pilipino at sa pagpaganda ng ating minamahal na Pilipinas. Para maabot nating muli an gating ipinagmamalaki sa buong mundo na ating sinasabi, Ako ay Pilipino, Taas Noo kahit Kanino,” sabi naman ni Marcos.