NAKATAKDANG magpatupad ang BBM-Sara UniTeam ng isang malawakang plano para sa local hog raisers na tatapos sa patuloy na pagtaas ng presyo ng karneng baboy sakaling manalo sila sa darating na 2022 elections.
Ayon pa kina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at runningmate na si Davao City Mayor Sara Duterte, ang mas mataas na inflation dulot ng pagsipa sa presyo ng karneng baboy ay pabigat sa milyon-milyong pamilyang Pilipino.
“High pork prices are a drain in the budget of Filipino households. Simply put, the issue in pork prices is mainly due to a supply problem that was worsened by the onslaught of the African swine fever (ASF),” ayon sa UniTeam.
Dagdag pa ng UniTeam, kasama sa plano nito, ang mga pamumuhunan sa research and development, direktang tulong teknikal sa hog raisers, at pagbibigay ng mga pautang.
Ilulunsad din ng UniTeam ang programa kung saan mismong ang mga LGU na ang bibili ng mga produkto ng mga magbababoy para matiyak ang kanilang kita.
Hango ito sa programa ni Bongbong noong gobernador pa siya ng Ilocos Norte kung saan ang mga LGU ang isa sa mga suki ng mga magsasaka at bumibili ng kanilang mga produkto upang maiangat ang kanilang kita at kabuhayan.
“We are now in the process of crafting an agriculture blueprint that will provide long-term assistance to our local hog industry and hasten their recovery from the ASF and even from the Covid19 pandemic,” saad pa ng UniTeam.
Ayon sa Department of Finance (DoF), ang presyo ng karneng baboy ay tumaas nang lampas sa inaasahan nila noong 2021, at ito ay kumakatawan sa 1.1 porsiyento ng 4.4 porsiyentong inflation na nairehistro noong nakaraang taon.
Ayon pa sa mga ekonomista, ang ilan sa mga masamang epekto ng mataas na inflation ay pagtaas sa presyo ng mga bilihin at pagbaba sa bilang ng maaaring bilhin ng mga konsyumer.
“We need to look beyond just trying to lower pork prices through importation. This early, we need to craft a solid plan to revitalize our hog-raising sector and help them grow the local hog population after the havoc caused by the African swine fever (ASF),” aniya ng UniTeam.
Pinilay ng ASF ang lokal na imbentaryo ng baboy, na sumadsad mula 13 milyong ulo noong 2019 hanggang walong milyon noong 2021.
Ang lumiit na suplay ang nagtulak sa pamahalaan na gamitin ang pag-aangkat, na naging dahilan sa pagbaba ng taripa para sa angkat na karneng baboy.
Sa kabila ng pinaigting na importasyon, nanatiling mataas ang presyo ng baboy.
Ayon sa mga ulat, ang mga presyo sa mga wet market ay nanatiling higit P300 kada kilo at hindi pa bumabalik sa pre-pandemic levels.
“Relying on importation as a sole means to control the prices is not a good long-term strategy and may even prove detrimental to our food security,” pagtatapos ng UniTeam.