BBM SASAGOT SA PET UKOL SA ELECTORAL PROTEST

Bongbong Marcos Jr

NAKATAKDANG magsumite si dating Se­nador  Ferdinand Bongbong Marcos ng kanyang dalawang komento sa Korte Suprema kaugnay pa rin ng kanyang electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo kaugnay sa sinasabing dayaan sa 2016 elections.

Sa ginanap na weekly In Focus Info & News media forum sa Quezon City, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Marcos na makakamit niya ang pagkapanalo sa resulta ng magiging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman.

Isusumite ni Marcos ang komento sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na siyang dumidinig ng kaso hinggil sa 2nd at 3rd cause of action.

Nanindigan si Marcos na kinakailangang ipagpatuloy ang kanyang laban upang makita ang problema sa kasalukuyang electoral system ng bansa.

Naniniwala si Marcos na matibay ang kanilang mga ebidensiya na nagkaroon ng dayaan sa nagdaang halalan.

Kasunod nito, inirekomenda ni Marcos na marapat  na  gumamit ng hybrid type o manual voting na electronic transmital sa susunod na eleksyon ang Commission on Elections (Comelec) upang maiwasan na ang dayaan.

Aniya, mayroon namang poll watchers na magbabantay sa naturang sistema kung saan gagamit  ng live streaming sa bilangan ng balota at sakaling may makitang mali ang Comelec ay maaari agad itong mag-object sa naturang bilangan.

Nilinaw naman ng dating senador na hindi niya itinuturing na kalaban si Robredo at bagkus ay ang Smartmatic ang siyang kalaban ng mga Filipino.

Sinabi pa nito na dinaya ng Smartmatic ang sambayanang Filipino kung kaya’t hindi na dapat itong pagkatiwalaan.

Idinagdag pa nito na nasa 14 milyon ang kanyang boto at halos 3 milyon dito ang nawawala na pinaniniwalaan ng kampo ng mga Marcos na minaniobra ito ng Smartmatic. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.