BBM SUPORTADO NG MGA RETIRADONG JUNIOR OFFICERS NA PULIS, SUNDALO

WALA pang isang buwan matapos magpahayag ng suporta ang mga dating chief of staff ng Armed Force of the Philippines (AFP) at mga hepe ng Philippine National Police (PNP), gayundin ang  retired generals, aabot naman sa 500 retiradong pulis, sundalo at marines ang nagpahayag na rin ng suporta sa kandidatura ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

“Kaming mga retiradong sundalo, pulis at bantay-dagat na naghain ng aming talino at kung kakailanganin ang aming buhay bilang sergeant majors, police executive se­nior police officers, master CPO of the Coast Guard at senior non-commissioned officers, tungo sa katahimikan, kaligtasan at kaunlaran ng ating bansang Pilipinas ay buong pusong sumusuporta sa kandidatura ni Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na tumatakbo sa bilang pre­sidente sa halalan sa May 9, 2022,” anang mga da­ting non-commissioned officers sa manifesto na ipinaabot sa tanggapan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).

Karamihan sa mga lumagda ay may mga ranggo na corporal, sarhento, master sergeant at tinyente.

Naniniwala ang mga ito sa kakayahan ni Marcos para pamunuan ang bansa, bukod sa sinserong pagmamahal sa bayan.

Higit sa lahat, sinabi ng mga ‘retirees’ higit din ang kanilang paghanga sa panawagang pambansang pagkakaisa ng kapwa Pilipino na magdadala sa pag-unlad ng bansa.

“Malakas ang aming paniwala na si Bongbong Marcos (BBM) ang Pangulong kailangan ng bawat Pilipino,” sabi pa nila.

Kung matatandaan, halos 100 retired generals mula sa AFP at PNP ang nagbigay rin ng kanilang suporta sa kandidatura ni Marcos.

Ang suportang ito ay pormal pang pinirmahan ng mga dating heneral sa isang event sa Marikina, may dalawang linggo na ang nakararaan.

Sabi ng mga retiradong awtoridad, isa rin sa nagpalakas ng pagpapahayag nila ng suporta kay Marcos sa paniwalang ang katunggali nitong si Leni Robredo ay may alyansa sa mga teroristang komunista.

Nitong nakalipas na Martes ay hayagan na kinondena ni Medal of Valor awardee retired Colonel Ariel Querubin ang ginawang pagsuporta ni Leni Robredo sa mga teroristang Communist Party of the Philippines -New People’s Army (CPP- NPA).

Sa isang open letter, ibinunyag ni Querubin na na-brief siya ng mga opisyal ng PNP at mga representative ng National Task Force on En­ding Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) at mga dating rebeldeng NPA ukol sa ugnayan ni Leni Robredo sa teroristang grupo.