DALAWA lang ang maaaring ipalagay o isipin sa bigla-biglang desisyon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Clark Development Corporation (CDC) tungkol sa “kapalaran” ng buhay ng Kalangitan Engineered Sanitary Landfill (KESLF) na pinamamahalaan ng Metro Clark Waste Management Corportation (MCWM/Metro Clark).
May makapangyarihang “kamay” o udyok ng pansariling interes kapalit ay malaking ganansiya, opo, ito lamang ang pwedeng isiping mga dahilan, dear readers.
E, parang lasing na pasuray-suray ang desisyon ng BCDA-CDC: Una, ang balak ay tapusin sa Oktubre ang lease agreement ng MCWM/Metro Clark sa lupang kinatatayuan ng pasilidad ng landfill.
Aba, e sino ang hindi magugulat, legal ang kontrata, e biglang puputulin ang lease agreement na sa 2049 na matatapos, at walang violation ang MCWM/Metro Clark.
Arbitrary ang nais ng BCDA-CDC, sabi ni Ms. Vicky Gaetos, executive vice president ng Metro Clark at maliwanag, hindi sila iskwater sa lupa, at protektado ang lease agreement nila, ayon sa RA 7652 o ang Foreign Investor Long-Term Lease Act.
Sa batas na ito, pinapayagan ang hanggang 75 taon ang pagrenta sa lupa ng isang foreign investor.
Sa move na ito ng BCDA-CDC ay kontra sa polisiya ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na umakit ng dayuhang investor para mabigyan ng trabaho ang maraming Pinoy.
Natural na umangal ang German group na isa sa malaking kapital at investment sa Metro Clark at napakasama ng epekto nito sa ekonomya ng bansa, dear readers.
Yung hinihikayat ni PBBM na foreign investors na may investment pledges sa marami niyang trip sa ibang bansa, mawawalan ng tiwala sa sinseridad ng gobyerno.
Imbes na ituloy ang paglalagay ng foreign investment, matatakot at ang reputasyon ng Pangulo ay masisira sa mga nakasunduan niyang malalaking investor sa ibang bansa.
Sa planong ito ng management ng BCDA-CDC sa hamak na paigtingin natin ay ano — sabotahe ito sa nais ni PBBM na palaguin ang ekonomya ng ating bansa.
May kontrata na nga, walang violation, protektado ng batas ang lease agreement, bigla, tatapusin, ano ang maitatawag dito kungdi sabotahe, tama po ba?
Mabuti at na-realize ng BCDA-CDC na mali ang nais nila at malaking epekto ito sa environment kung ipasasara ang Kalangitan Engineered Sanitary Landfill.
May nakapagsabi siguro sa kanila na may isasampang resolusyon sa Kamara para tingnan, busisiin ang balak na pagputol sa legal na lease agreement sa sanitary landfill.
Mangangamoy basura ang plano ng BCDA-CDC, at posible pa, makasuhan sila ng graft and corruption sa Ombudsman.
Kaya bigla, ibang taktika naman ang naiisip nila at ito, ayon sa mga sources, imbes na ipasara, ang sanitary landfill ay ipapasa ang pamamahala sa isang malaking kompanya — na maliwanag, labag din sa batas.
‘Yung German group at iba pang shareholders babalewalain na at ang lease agreement ay buburahin na?
Isa uli itong pangahas na paglabag sa investment act.
Saka, sa loob ng 20 taon, masasabing excellent ang Metro Clark sa pagpapanatili ng maayos na waste collection, disposal at environment friendly ang operation ng Kalangitan Engineered Sanitary Landfill.
Kumbaga, state-of-the-art ang operation ng landfill, pawang expert sa waste management ang nangangasiwa sa sanitary landfill.
Kungdi ba magaling itong Kalangitan sanitary landfill, hindi nito magagawang maayos na mai-dispose ang more or less three (3) tons of garbage and waste products mula sa 150 local government units at mahigit sa 1,000 kliyenteng mga kompanya at industriya sa Metro Manila, Central Luzon, Northern Luzon, kasama ang Baguio City at Cordilleras.
Naging maayos ang takbo ng operasyon at lease agreement sa panahon nina dating Pres. Erap Estrada, patuloy sa panahon ni dating Pres. Digong Duterte, tapos ngayong si PBBM ang nasa Malakanyang, biglang babaguhin ang patakbo sa sanitary landfill.
Ano ang nakain o ipinakain sa BCDA-CDC at yung maayos na management ay babaguhin at guguluhin?
Mayroon bang ibang “usapan” at ang sumusulot na bagong kompanya na nais hawakan ang sanitary landfill ay may magandang “offer” na mahirap tanggihan?
Alam natin, agad-agad na aaksiyon si PBBM ‘pag nakarating sa kanya ang problemang ito.
BCDA-CDC, lagot kayo kay PBBM!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].