BCDA NAG-REMIT NG P3.3-B SA AFP

NAGAWANG makapag-remit ng P3.31 bilyon ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong taon na kumakatawan sa malaking bahagi mula sa disposisyon ng state firm na patunay sa pangako nitong tumulong sa pagpapalakas ng tropa ng pamahalaan.

“Sa pagkilala sa AFP bilang ating pangunahing stakeholder, palaging tinitiyak ng BCDA na natatanggap ng ating Sandatahang Lakas ang pinakamalaking bahagi mula sa ating kabuuang kita sa disposisyon bawat taon.

“Recognizing the AFP as our major stakeholder, the BCDA always ensures that our Armed Forces receive the biggest chunk from our gross disposition income every year. Our consistent contribution to the military is possible through great efforts to sustain our robust financial standing, bolstered by excellent collection efforts and sound management,” pahayag ni BCDA Acting President and Chief Executive Officer Joshua M. Bingcang.

Nabatid na bumaba ng 54 porsiyento ang kontribusyon ng BCDA ngayong taon kumpara sa antas noong nakaraang taon na P7.21 bilyon dahil sa pagkaantala sa clearing at turnover sa developer ng isang bahagi ng Bonifacio South Pointe property na dulot ng pandemya ng COVID-19.

Mula nang itinatag ito noong 1992, ang pinagsama-samang kontribusyon ng BCDA sa AFP ay umabot sa P59.71 bilyon na kumakatawan sa 44.34 porsyento ng P134.66 bilyong nalikom sa disposisyon noong katapusan ng 2022.

Alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng Republic Act 7227 o ang Bases Conversion and Development Act, ang BCDA ay nagkakaroon ng kita mula sa pagbebenta, pagpapaupa o joint venture arrangement sa mga kasosyo sa pribadong sektor sa mga dating kampo ng militar sa Metro Manila.

Ang mga nalikom ay ipinadala sa Kawanihan ng Treasury bawat taon, pagkatapos ay inilalaan at ipapamahagi ng Kagawaran ng Badyet at pamamahala sa AFP at iba pang ahensya ng benepisyaryo.

Bukod sa AFP, nakatanggap din ng P235.08 milyon ang iba pang ahensiyang benepisyaryo ng kontribusyon mula sa BCDA kabilang dito ang National Housing Authority, National Home Mortgage Finance Corp., Home Insurance Guaranty Corp., Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, Philippine Health Insurance Corp., Department of Science and Technology, Department of Social Welfare and Development, at Department of Labor and Employment, bukod sa iba pa.

Samantala, ang magkadikit na lungsod ng Makati, Taguig at munisipalidad ng Pateros ay pinagkalooban ng P4.79 milyon.
VERLIN RUIZ