“THERE’S no 100% secure in the cyberspace,” ani Alexis John Lingad, Founder at CEO ng Cryptors Cybersecurity Inc.
Tayo ay nasa panahon kung saan hindi lamang tayo naninirahan sa pisikal na mundo kundi maging sa virtual na mundo—ang cyberspace. Isang lugar kung saan ay sa isang click ng buton ay marami kang mapupuntahan, makakasalamuha, magnegosyo, at iba pa.
Ngunit tulad din sa pisikal na mundo, naglipana ang mga gumagawa ng masama at nanlalamang sa kapwa sa cyberspace. Nariyan ang iba’t ibang uri ng cybercrime tulad ng identity theft, scam, at phishing. Malaking porsiyento ng mga Filipino ang humaharap sa nasabing panganib, lalong-lalo na ang mga umaasa sa online selling at shopping. Kaya isang Pinoy startup company, ang Cryptors Cybersecurity Inc. ang naglunsad ng kanilang pinakabagong produkto na tutulong upang maging ligtas ang cyberspace para sa mga negosyante at sa lahat ng indibidwal.
Ang Hackuna Anti-Hack ay isang application na hindi lamang panlaban sa mobile hackers kundi isang mabisang guro tungkol sa cybersecurity. Binuo ito ng isang 21 taong gulang na kick out mula sa isang kilalang pamantasan sa bansa, si Alexis John Lingad ang Founder at CEO ng Cryptors. Layon niyang maipaalam sa nakararami ang cybersecurity at makatulong upang maging isang ligtas na espasyo ang cyberspace.
Sinimulan niya ang Cryptors sa edad na 18. Isa rin siya sa prominenteng indibidwal sa likod ng kauna-unahang Bug Bounty Platform sa Asean at isang advocate para sa ethical hacking. Nagdaraos siya ng seminars at workshops tungkol sa cybersecurity at ethical hacking sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
May tatlong main feature ang Hackuna App, ang Wifi Hack Blocker, Permission Analyzer, at Malware Buster.
WIFI HACK BLOCKER
Paliwanag ni Lingad, marami ang nabibiktima ng hacking sa pamamagitan ng Wifi hack. Ito ay tinatawag na Man in the Middle Hack kung saan madalas ang hacker sa matataong lugar at kung saan my free public wifi.
Kaya malaki ang tulong ng feature na ito lalo na sa mga taong parating komokonekta sa mga public wifi.
Sa oras na may ma-detect ng Hackuna na sumsusubok i-hack ang iyong mobile phone sa pamamagitan ng WiFi network na ginagamit mo agad nitong ipakikita ang mga impormasyon tulad ng IP address, brand ng gadget na gamit ng hacker.
PERMISSION ANALYZER
Marami tayong apps na inilalagay sa ating telepono ngunit lingid sa ating kaalaman, marami sa apps na nagkalat sa mga app store na kung tawagin ay malicious legit app developers. Ito ay mga app na bago mo mai-download ay kailangan mong bigyan ng permission na ma-access ang iyong mobile phone. Ibig sabihin ay nag-iispiya ang mga app na ito at ang kanilang pakay ay makakuha ng mga personal na impormasyon mula sa gumagamit ng app.
Ayon kay Lingad, maituturing na delikado ang isang app kung humihingi ito ng pahintulot na pasukin ang mga sumusunod: SMS, contacts, call logs, camera, location, history, hardware at maging network. May tinatawag ding reasonable permission kung saan ay humihingi ang app ng pahintulot sa functions ng mobile phone na kailangan para gumana ito. Halimbawa ay ang messenger na humihingi ng access sa camera, audio, at contacts.
Ang Permission Analyzer ang mag-aanalisa sa apps na mayroon sa iyong mobile phone at ipakikita nito ang mga impormasyon tulad ng kung ano ang functions ng iyong gadget na ina-access nito. Lalabas sa analyzer ang tatlong pagpipilian, Open App, Uninstall App, at Mark as Safe. Kung pinagkakatiwalaan mo ang app at nakita mo sa impormasyong binigay ng Hackuna na maaari itong pagkatiwalaan i-mark ito bilang safe.
MALWARE BUSTER
Nakakapangambang malaman na ang apps na nakikita natin sa mga app store at ang ilan pa ay sikat na ginagamit ng mga tao ay isa palang app na maaaring magnakaw sa iyong personal na impormasyon at mas nakatatakot ang makontrol nila ang iyong mobile phone nang hindi mo nalalaman.
May kakayanan ang Hackuna na makita ang mga hidden spy app, malwares at trojans na ginagamit ng mga hacker para kontrolin ang iyong mobile phone. Dahil araw-araw may panibagong malware ang nabubuo ayon sa Cryptors, ito ang pinakamalaking pagsubok sa kanila, kung paano mabilis na ma-update ang mga Hackuna para mas masabayan nito ang hindi mapigilang pagdami ng malwares. Ngunit hindi, titigil ang Cryptors upang mapabisa ang Hackuna para sa lahat.
IBA PANG FEATURES NG HACKUNA:
Tip of the Day
Ito ay notification sa iyong mobile phone tungkol sa tips para maging secure sa cyberspace. Maaari rin itong i-share sa Facebook sa isang tap lamang ng button nito.
LEARN SECURITY
Isa pa sa pinakamagandang feature ng Hackuna App ay ang Learn Security nito. Bilang ang isa sa mga mithiin ng Cryptors ay mapalaganap ang cybersecurity awareness, inilagay nila ito sa kanilang app. Ayon kay Lingad, pinadali nila ang pagpapaliwanag sa mga ito upang mas madaling mainitindihan ng mga tao. Una muna nilang ipinabasa ang mga topic at tips na nakapaloob sa app sa elementary students upang subukan kung mai-intindihan nila ito. Ang paniniwala ni Lingad, kung maiintindihan ito ng mga bata mas maiintindihan ito ng mga nakatatanda.
RANK REWARDS
Dito ay malalaman ng gumagamit ng app kung gaano na ba siya katagal gumagamit ng Hackuna. Isang paraan din ito upang magbigay ng reward ang Cryptors sa mga masusugid nilang app users. May kaakibat na reward kung gaano katagal nang gamit ang app. Paraan din ito ng Cryptors upang hikayatin ang mga indibidwal na samahan sila sa kanilang kampanya para sa cybersecurity awareness.
Offline na magagamit ang nasabing feature. Ayon sa developers, ayaw nila na komokonekta ang kanilang users sa Wifi para lang magamit ang app at higit sa lahat ay nagpapatunay lamang ito na wala silang kinukuhang impormasyon mula sa kanilang users.
Sa kasalukuyan, ang Hackuna app ay may tinatayang 10,000 downloads na sa loob lamang ng isang buwan. Ang top 3 users ng Hackuna sa kasalukuyan ang mga bansang US, Filipinas, at India.
Ilalabas nila ang IOS version sa Oktubre 5, Premium version sa Nobyembre 5 ngayong taon at Police Algorithm sa Disyembre 5 na magagamit ng mga may-ari ng negosyo upang maiwasan ang mga hacker sa kanilang establisimiyento. Magkakaroon din sila ng desktop version sa Enero 5, 2019.
Hindi magiging ligtas ang bawat isa kung kulang ang kaalaman sa cybersecurity. Ang cyberspace ay maituturing na pangalawang tahanan ng bawat indibidwal kaya dapat natin itong pangalagaan—pangalagaan ang identidad, maseselan at importanteng impormasyon tungkol sa sarili. MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.