BEA ALONZO WELCOMES JOHN LLOYD CRUZ TO GMA 7

ISA si Bea Alonzo sa mga taong masaya nang makumpirmang Kapuso na rin ang dati niyang ka-love team na si John Lloyd Cruz: aniya, “Mukhang talagang magkadugtong ang mga bituka nating dalawa.”

Parehong homegrown talents ng Kapamilya network sina John Lloyd at Bea na pareho ring lumipat sa GMA 7. Naunang lumipat si Bea ngunit pansamantalang huminto sa pag-aartista si JLC nang makipagrelasyon ito at magkaanak kay Ellen Adarna.

Binanggit ni Bea ang mahaba nilang samahan na nagbigay-daan sa kanilang kasikatan. “Hi, Idan,” aniya, “eto na naman tayo. Magkasama na naman tayo,” bungad ni Bea, na tinawag si John Lloyd sa kanyang palayaw. “First of all, welcome to GMA.”

Dagdag pa ni Bea, hindi magsisisi ang GMA 7 sa pagkuha kay John Lloyd dahil subok na ang kapasidad nito bilang dekalibreng aktor.

Biro naman ni John Lloyd nang makita ang recorded video ni Bea, “May isang napasama dun [recorded video], hindi ko siya kilala, si Miss Bea Alonzo. Sana po makatrabaho ko po kayo para malaman ko kung talagang nakatali yung mga bituka natin.”

Maraming pelikula at teleserye ang pinagsamahan nina John Lloyd at Bea sa ABS-CBN at Star Cinema, sanhi kaya sila sumikat ng husto.

Samantala, kinumpirma ng dati ring Kapamilya na si Maja Salvador ang contract signing ni John Lloyd sa GMA-7. Si Maja at ang boyfriend niyang si Rambo Nuñez ang namumuno sa Crown Artist Management, na siyang nagma-manage ngayon sa showbiz career ni John Lloyd. – KNMARTIN