BEACH PRO TOUR SPIKEFEST PAPALO NA SA SUBIC

Beach Volleyball

SIMULA na ngayong Huwebes ang Volleyball World Beach Pro Tour Futures kung saan 11 men at 14 women teams ang magbabakbakan sa knockout qualifiers sa Subic Bay Sand Court.

Apat na koponan lamang mula sa bawat gender ang aabante sa main draw ng major international beach volleyball tournament na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).

Ang pairings ay nadetermina sa preliminary inquiry nitong Miyerkoles na pinangasiwaan ni International Volleyball Federation technical delegate Barry “Baz” Wedmaier ng Australia.

Ang men’s qualifiers ay tinatampukan ng 11 koponan mula sa Thailand, Czech Republic, Australia, Japan, USA, Israel at Austria.

Sasamahan ng top four teams ang 11 squads mula sa host Philippines (tatlo), Latvia, Thailand, Gambia, Japan, Israel at Lithuania sa main draw ng event ngayong Huwebes.

Labing-apat na koponan mula sa Japan, Norway, Singapore, Czech Republic, Netherlands, USA, Canada, South Korea at France ang sasabak sa women’s qualifiers kung saan apat na pinakamahuhusay na koponan ang makakasama sa 12-team main draw na kinabibilangan na ng Philippines (tatlo), Japan, Thailand, Lithuania, Singapore, Israel, Italy at Austria.

Ang Futures event ang third major international competition na hinost ng PNVF ngayong taon. Ang unang dalawa ay ang men at women leg ng Volleyball Nations League noong nakaraang Hunyo sa Smart Araneta Coliseum at ang Asia Volleyball Confederation Women’s Cup noong Agosto sa PhilSports Arena.