ISINASAPINAL na ng Phoenix Suns ang deal para makuha si All-Star shooting guard Bradley Beal mula sa Washington Wizards kapalit nina veteran point guard Chris Paul, shooting guard Landry Shamet at multiple second-round draft picks at pick swaps, ayon sa The Athletic at ESPN.
Ipapares ng Suns si Beal kina Kevin Durant, Devin Booker at Deandre Ayton.
Noong weekend ay ipinahiwatig sa mga report na pagpipilian ni Beal ang Suns at Miami Heat. Kinailangan ni Beal na i-waive ang no-trade clause ng NBA para maaprubahan ang deal.
Batay sa mga report, maaaring makaakit si Paul, isang 12-time All-Star at 11-time All-NBA selection, ng isang interesadong third party sa deal dahil inaasahang hihirit siya sa Wizards na dalhin siya sa isang contender.
Ayon sa Bleacher Report, isa sa mga dating koponan ni Paul, ang Los Angeles Clippers, ang posibleng isulong ang muli siyang makasama.
Si Beal ay naglaro lamang sa 50 games (pawang starts) noong nakaraang season. May average siya na 23.2 points, 5.4 assists at 3.9 rebounds per game at bumuslo ng 36.5 percent mula sa 3-point range. Dahil sa injuries at multiple stays sa COVID-19 reserve list ay nalimitahan si Beal sa 90 games lamang sa nakalipas na dalawang seasons.
Sa kanyang 11-year career magmula nang gawin siya ng Wizards na third overall draft pick out sa Florida noong 2012, si Beal ay may average na 22.1 points, 4.3 assists, 4.1 rebounds at 1.1 steals per game sa 695 games (661 starts).
Isa siyang All-Star noong 2017-18, 2018-19 at 2020-21 at dalawang beses na tumapos na second sa NBA sa scoring (30.5 ppg noong 2019-20, 31.3 ppg noong 2020-21).
Si Paul, 38, ay may average na 13.9 points, 8.9 assists, 4.3 rebounds at 1.5 steals sa 59 starts para sa Suns noong 2022-23. May career averages siya na 17.9 points, 9.5 assists, 4.5 rebounds at 2.1 steals sa 1,214 games sa New Orleans Hornets (2005-11), Clippers (2011-17), Houston Rockets (2017-19), Oklahoma City Thunder (2019-20) at Suns (2020-23).
Nanguna si Paul sa NBA sa assists, dalawang seasons pa lamang ang nakalilipas nang magtala siya ng average na 10.8 per contest sa kanyang ikalawang kampanya sa Suns.
Nagposte ang Phoenix ng league-best 64-18 record sa naturang season makaraang yumuko sa Milwaukee Bucks sa NBA Finals noong 2021. Subalit nasibak ang Suns sa playoffs sa second round kapwa noong 2022 at 2023. Sinipa ni bagong team owner Mat Ishbia si veteran coach Monty Williams at kinuha si dating NBA champion Frank Vogel bilang kapalit nito.