NGAYONG OKTUBRE, Araneta Center goes pink. Ito ay upang maipalaganap o maipaalam sa nakararami ang tungkol sa breast cancer. Isa rin ito sa paraan upang maipakita nila ang kanilang suporta sa mga pasyente, gayundin sa survivors ng naturang sakit.
Breast Awareness Month ang buwan ng Oktubre. At dahil nga rito ay nagpasiyang pinturahan ng Araneta Center ang kanilang pedestrian lanes ng kulay “pink” para ma-encourage ang mga visitor at shopper na magkaroon ng kaalaman tungkol sa nasabing sakit, kung paano ito maiiwasan at kung paano rin magagamot.
Sa Filipinas, ikinokonsidera ang breast cancer bilang isa sa nangungunang klase ng cancer sa mga kababaihan at araw-araw ay 20 rito ang namamatay, ayon sa Philippine Center Society (PCS).
Ngayong 2018, nakapagtala ang Global Cancer Observatory ng kabuuang 24,798 na bagong kaso ng afflicted with breast cancer. Umabot sa 17.6 porsiyento ang mga bagong kaso sa lahat ng edad, sa pareho ring kasarian.
Samantalang 31.4 porsiyento naman ang bagong kaso sa mga kababaihan ngayong taon.
Dahil dito ay magkakaroon ang Araneta Center ng breast awareness event na pinamagatang “Beauty and Bravery: Empowering Women Against Breast Cancer.”
Gaganapin ito sa Oktubre 14 (Linggo) sa Gateway Mall activity area.
Ang “Beauty and Bravery” ay magtatampok ng inspirational and self-care talks. Si Dr. Claire Soliman, president of Philippine Society of Medical Oncologist, ay magbabahagi ng tungkol sa breast cancer, kung ano ang nagiging dahilan nito, paano maiiwasan at kung paano rin gagamutin.
Samantalang ang breast cancer survivor naman na si Gertrudes Calderon ay magbabahagi ng kanyang kuwento kung paano niya napagtagumpayan ang pakikipaglaban sa breast cancer.
Ang Kundalani Yoga teacher naman na si Tet Bachmann ang tatalakay tungkol sa techniques kung paano ima-manage ang daily stress at resisting illness.
Bukod pa rito, maghahandog din ang Philippine Cancer Society ng free clinical breast exam.
Bilang suporta rin sa kampanya laban sa breast cancer, ang mga dadalo ay maaaring magpakulay ng buhok (washable pink) ng libre.
Ang magiging host sa palatuntunan ay si Bb. Pilipinas Supranational 2018 Jehza Huelar. Ang “Beauty and Bravery” ay inihahandog ng Araneta Center, sa pakikipagtulungan ng Philippine Cancer Society, Qualimed, at Rustan’s.
Sa karagdagang impormasyon at iba pang updates tungkol sa Araneta Center, i-follow lang ang @TheAranetaCenter sa Facebook.
Comments are closed.