BEAUTY QUEEN, SPORTS IDOL SA TOPS ‘USAPANG SPORTS’

USAPIN hinggil sa tennis, pencat silat at motocross ang sentro ng talakayan sa pagbisita ng tatlong premyadong atleta sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes, Pebrero 24, via Zoom.

Inaasahang magbibigay ng pinakabagong kaganapan sa kani-kanilang career, higit sa paghahanda sa nalalapit na Southeast Asian Games sa Vietnam, sina Asian Games bronze medalist at beauty queen Cherry May Regalado at veteran internationalist tennis champion Marian Capadocia.

Makakasama nila sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR, sa alas-10 ng umaga at livestream sa TOPS Facebook page at YouTube, si motocross sensation Sam Tamayo.

Tinaguriang ‘Queen Cherry’ matapos tanghaling Ms. Aklan nitong nakalipas na taon, sasagutin ng 25-anyos na si Regalado ang mga isyu sa kanyang katayuan sa national team kung saan namintis niya ang Manila SEA Games noong 2019 bunsod  ng  tinamong injury sa tuhod.

Mabibigyan naman ni Capadocia ng kasagutan ang ilang kontrobersiyal sa tennis, higit sa kasalukuyang kondisyon ng koponan matapos masuspinde ang local tennis association sa International Federation bunsod ng sigalot sa liderato, habang mabibigyan ni Tamayo ng pasilip ang motocross fans sa mga nakalinyang local at international race para sa atletang Pinoy.

Inaanyayahan ni TOPS president Beth Repizo-Merana ng Pilipino Star Ngayon ang mga miyembro at sports enthusiasts na makiisa sa talakayan at subaybayan ang usapan sa social media platform ng TOPS.