BEBOT ARESTADO SA P8.5-M ECSTACY

ARESTADO ang isang babae makaraang tumanggap ng package na naglalaman ng 4,970 tabletas ng ecstacy na nagkakahalaga ng P8.5 milyon sa ikinasang controlled delivery operation ng pinagsanib na puwersa ng iba’t-ibang sangay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Southern Police District (SPD) at ng Las Piñas City police nito Martes ng hapon.

Kinilala ni SPD director Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang suspek na si Ana Fe Morilla a.k.a. Jonah Lleve y Cabanilla, residente ng Guava St., Brgy. CAA PH2, Las Piñas City.

Base sa report na natanggap ni Macaraeg, matagumpay na naisagawa ang operasyon dakong alas-4:25 ng hapon sa Manila Doctor Village, Brgy. Almanza Uno, Las Piñas City.

Ayon sa PDEA, nakatanggap ng sila ng impormasyon tungkol sa ipadadalang package sa suspek na naglalaman ng tabletas ng ecstacy.

Agad na ikinasa ang operasyon para sa pagsasagawa ng controlled delivery operation kung saan nagpanggap na delivery rider ang isang ahente ng PDEA at nang tanggapin ni Morilla ang package matapos nitong pumirma ng hindi niya tunay na pangalan ay doon na ito inaresto.

Narekober sa posesyon ng suspek ang tinanggap na package na naglalaman ng 4,970 piraso ng ecstacy na nagkakahalaga ng P8.5 milyon, isang cellular phone at dalawang identification cards.

Dinala si Morilla sa opisina ng PDEA kung saan ito pansamantalang nakapiit habang inaayos ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 sa Las Piñas City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ