NADAKMA ng pinagsanib na mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Quezon City Police District (QCPD) Galas Police Station 11 at Bureau of Customs (BOC), Port of Clark ang isang babae matapos ma mahulihan ng mahigit P16 milyong halaga ng ecstacy sa Quezon City nitong Biyernes ng hapon.
Ang suspek ay nakilalang si Elisha Ilas Mae, residente ng No. 39 BMA corner Kaliraya, Brgy. Tatalon, Quezon City.
Sa inisyal na report, bandang alas-3:45 ng hapon nang makorner sa isinagawang ‘controlled delivery operation’ ng mga awtoridad ang suspek sa Brgy. Tatalon, QC at nakumpiskahan ng 9,948 piraso ng ecstacy.
Ayon sa mga operating units mula sa PDEA RO 3 Clark Inter Agency Drug Interdiction Task Group, PDEA-SIU SBMA, PDEA-SIU BATAAN, PDEA-NCR, QCPD Station 11 at BOC, ang nasabing dami ng ecstacy na may street value na P 16,911,600 ay nadiskubre sa idineliber na package sa suspek sa tahanan nito.
Una dito, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may idedeliber na package sa suspek na naglalaman ng iligal na droga.
Iniimbestigahan pa kung saan at sino ang nagpadala ng nasabing package na naglalaman ng ecstacy subalit nananatiling tikom pa ang bibig ng suspek. EVELYN GARCIA