NASAKOTE ang isang 25-anyos na bebot na tulak umano ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P13 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Martes ng hapon.
Kinilala ni Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) Director BGen. Remus Medina ang naarestong suspek na si Janesa Cabardo Canoy alyas “Jane”, at residente ng 295 Sandico St., Tondo, Manila.
Sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Special Operation Unit 3(SOU-3), PNP DEG sa pangunguna ni Medina, kasama ang PDEA-NCR at Caloocan City Police Sub-Station 12 sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Samuel Mina Jr, ng buy bust operation sa Langit Road Corner Crusher Street, Phase 9, Package 7C, Bagong Silang, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang nasa 2 kilograms ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) P13,600,000.00, brown Louis Vuitton sling bag, light brown pouch na naglalaman ng identification card, cellphone at buy bust money na 15 bundles ng boodle money na may dalawang pirasong tunay na P1,000 bills.
Nahaharap ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA