CEBU- NASAKOTE ang isang 27-anyos na babae matapos makuhanan ng mahigit sa P34.6 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Sitio Mustang, Barangay Pusok, Lapu-Lapu City.
Ang naturang operasyon isinagawa ng pinagsanib na puwersa na pinangunahan ng City Intelligence Unit (CIU) at City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Lapu-Lapu City Police Office (LCPO).
Sa report ng pulisya ang naarestong suspek ay kinilala sa alyas “Lani,” residente ng Villagonzalo II, Barangay Tejero sa Cebu City na ikinokonsiderang high-value individual (HVI).
Nakumpiska ng pulisya mula sa suspek ang 5.1 kilo ng shabu na isinilid sa isang suitcase.
Nakuha rin mula sa kanya ang isang cellphone at sling bag.
Ayon kay Lt Col Christian Torres, spokesperson ng LCPO, ang suspek ay isinailalim sa isang buwang intelligence surveillance.
Ang suspek din ay nagsisilbing “bodegero” at “kabayo” sa illegal drug operation.
Napag-alaman ng pulisya na kinukuha ng suspek ang kanyang mga illegal na droga mula sa indibidwal na kasalukuyang nakakulong sa Luzon.
Naka-detain sa Lapu-Lapu City custodial facility ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
EVELYN GARCIA