BEBOT NIRATRAT NG 5 KATAO, 2 PA KRITIKAL

pagbabarilin

MALABON CITY – HINDI na nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang babae habang dalawa pa ang nasa kritikal na kalagayan matapos pagbabarilin ng limang armadong kalalakihan habang naglalakad pauwi ang mga biktima galing sa birthday party ng kanilang kaibigan kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na nakilalang si Yrria Jean Quilo, 28, ng Blk 8 Lot 5 Sapadaca, Sitio 6, Brgy. Catmon ay binawian ng buhay habang ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan habang si Marivic Damaso, 30, ng 203-29 Hernandez St., Brgy. Catmon ay ino­obserbahan sa Philippine General Hospital at Leo Buenaventura, 30, ng Brgy. Catmon na ginagamot naman sa Jose Reyes Memorial Hospital.

Ayon kina Malabon police homicide investigators P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Cesar Apostol, naganap ang insidente dakong alas- 10:10 ng gabi sa harap ng isang bahay sa No. 288-0 Sitio 6, Brgy. Catmon habang naglalakad ang mga biktima pauwi.

Limang armadong kalalakihan kung saan nakilala ang tatlo bilang sina “PJ Montejo”, isang alyas “Warren”, at isang alyas “Kim”, ang humarang sa mga biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga ito bago mabilis na nagsitakas sa hindi matukoy na direksiyon.

Agad namang ipi­nag-utos ni Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao sa kanyang mga tauhan ang manhunt operation para sa agarang pagkakaaresto sa mga suspek habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para alamin ang tunay na motibo sa insidente. EVELYN GARCIA

Comments are closed.