BEBOT TIMBOG SA LARGE SCALE ILLEGAL RECRUITMENT

NAARESTO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babae sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 dahil sa kasong large scale illegal recruitment.

Ang pagkakaaresto kay Mona Almerah Kozay y Teleban ay bunsod sa impormasyon na natanggap ng NBI mula sa Bureau of Immigration (BI) na siya ay pasakay sa NAIA Terminal 1 patungong Singapore pero Cambodia ang destinasyon para sa pagtatrabaho sa isang offshore gaming company.

Ang pag-alis ni Kozay kasama ang ilang courier sa NAIA Terminal 1 ay pinigil ng mga opisyales ng BI at nai-turn over sa NBI – International Airport Investigation Division (NBI-IAID).

Matapos ang imbestigasyon, inaresto si Kozay at sinampahan ng kasong paglabag sa Section 4-A (Attempted Trafficking in Persons) ng R.A. 9208 as amended at paglabag sa R.A. 8042 (Large Scale Illegal Recruitment).
PAUL ROLDAN