(ni CT SARIGUMBA)
MARAMI sa atin na kahit na sabihing pagod na pagod sa buong araw na pagtatrabaho, pag-dating pa rin ng gabi ay hirap na hirap ang maidlip o makatulog ng maayos. Pabiling-biling sa pagkakahiga. Hindi magawang ikalma ang isipan.
Hindi nga naman talaga maiiwasang mahirapan tayong makatulog dala na rin marahil ng mga problemang kinahaharap natin sa araw-araw. Ilan sa pinoproblema natin ay ang pangangailangan ng ating pamilya at kung paano natin mapagkakasya ang ating kinikita. Ang iba naman, kung paano kikita ang negosyong kanilang itinayo. Iba-iba ang problema o inaalala ng marami sa atin. Mayroong problemado sa pera at trabaho, samantalang ang ilan naman ay pag-ibig ang inaalala. At kapag may dinadala tayong prob-lema, siyempre, maging ang pagtulog ay naaapektuhan. Oo, madalas kapag busy o mayroon tayong ginagawa ay hindi natin naaalala o naiisip ang mga pagsubok at problemang kinahaharap. Ngunit kapag mag-isa na tayo at kapag magpapahinga na, saka naman sumasalakay ang bawat alalahanin. Kaya tuloy, nahihirapan na tayong makatulog ng maayos.
Kaya naman, kung isa ka sa hirap na hirap makatulog, narito ang ilang mga inuming puwedeng subukan nang ang inaasam-asam na mahimbing na tulog ay makamit:
CHAMOMILE TEA
Nangunguna nga naman sa ating listahan ang chamomile tea. Isa nga naman ang chamomile tea sa kilalang-kilalang inumin o tea na maaaring subukan upang makatulog ng mahimbing.
Nakapagpapakalma nga naman ang ganitong klase ng tea kaya’t mainam itong kahiligang inumin bago matulog.
Matagal na ring ginagamit ang chamomile tea bilang traditional medicines para sa may anxiety, insomnia at nakararanas ng stress.
Kaya’t kung hirap makatulog, subukan ang pag-inom ng chamomile tea.
LEMONGRASS TEA
Isa pa sa mainam kahiligan ay ang lemongrass tea.
Sa panahon ngayon, marami na nga naman sa atin ang nahihilig sa lemongrass tea dahil na rin sa benepisyong dulot nito sa ka-tawan.
Isa pa sa kagandahan ng lemongrass tea ay nakatutulong ito upang kumalma ang ating kabuuan. Kumbaga, nagtataglay ito ng chemicals at hormones upang makatulog tayo ng mahimbing. Naglalabas din ito ng serotonin na nakapagpapaganda ng mood at nakapagpapasaya.
LEMON BALM TEA
Pangatlo sa ating listahan ang lemon balm tea. Matagal na rin itong ginagamit na gamot sa insomnia at anxiety.
Nakatutulong din ito upang kumalma ang kabuuan at makatulog ng maayos.
Sa ilang pag-aaral, lumalabas na kapag pinagsama ang lemon balm tea at chamomile ay magagamot nito ang insomnia at sleep disturbance disorders.
PEPPERMINT TEA
Mainam ding subukan ang peppermint tea kung nahihirapan kang makatulog.
Gawa nga naman ang peppermint sa Menthol balsamea plant, isang hybrid ng traditional spearmint at watermints plants.
Sa pamamagitan ng pag-inom ng isang tasang peppermint tea bago matulog ay paniguradong makukuha mo ang makatulog ng mahimbing.
Kilala rin bilang anti-stress ang peppermint tea at nagtataglay ng anti-inflammatory properties na nakapagpapa-relax ng muscles.
Kagaya ng ibang tea, caffeine free rin ito.
Nakatutulong din ang pag-inom ng peppermint tea upang ma-relieve ang bloated na pakiramdam at problema sa indigestion. Mainam din ito sa mga buntis na nakararanas ng nausea o morning sickness.
LAVENDER TEA
Swak na swak ding kahiligan ang lavender tea lalo’t nakatutulong ito upang mabawasan ang nadaramang stress at anxiety. Nakapagpapakalma rin ang amoy nito kaya’t tamang-tamang inumin bago matulog.
Bukod sa nakapagpapa-improve ito ng tulog, mainam din ito sa heart health.
Lumabas din sa ilang pag-aaral na ang pag-inom ng tea ng isang postnatal mothers ay nakatutulong upang maibsan ang nadaramang depression at fatigue.
Bukod nga naman sa kape, isa pa ang tea sa matatawag na versatile drinks.
Sa panahon nga naman ngayon ay marami na ang nahihilig sa tea dahil na rin sa kabutihang dulot nito sa kalusugan.
Marami na ring klase ng tea ang puwedeng pagpilian sa merkado.
At sa mga hirap makatulog, ang mga nabanggit na klase ng tea sa itaas ay ilan lamang sa maaari ninyong subukan nang makatulog ng maayos at mahimbing.
(photos mula sa healthline.com at cupandleaf.com)
Comments are closed.