BEEP CARD REFUND ISINUSULONG NG DOTr

DOTr-BEEP CARD

MAKARAANG alisin ang Beep card fees, nais ngayon ng Department of Transportation (DOTr) na mabawi ng mga commuter na naunang bumili ng stored value cards ang kanilang pera.

Ang Beep cards sa  EDSA Busway system ay ginawa nang libre alinsunod sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) memorandum circular number 2020-057 epektibo Oktubre  9.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, ang refund ay maaaring ibigay ng bus operators at Beep card service provider AF Payments, Inc.

“’Yung kontrata sa Beep card, hindi po kontrata ‘yan sa kagawaran or sa LTFRB at DOTr. Kontrata ho iyan ng bus operator at service provider. Sila ang nag-usap,” wika ni Tugade.

“Kaya nung nakita namin na sobra, sabi ko ihinto ninyo ‘yan kasi kawawa ang pasahero.”

Ani Tugade, ang usapin sa refund ay dapat na resolbahin sa pagitan ng bus operators at ng service provider, subalit nagbabala na hindi mangingiming makialam ang kanyang ahensiya kapag muling nadehado ang mga commuter.

Bago ang LTFRB memorandum ay ipinag-utos ng DOTr ang pagsuspinde sa paggamit ng Beep cards makaraang tumanggi ang  AF Payments, Inc. na i-waive ang fees.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na rin ang nagsabi na ang Beep cards,  na naunang nagkakahalaga ng ₱80, ay dapat na ibigay nang libre sa mga commuter sa gitna ng pandemya.

Comments are closed.