BEERMEN, BATANG PIER MAGRARAMBULAN

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)

4 p.m. – NLEX vs Rain or Shine

8 p.m. – San Miguel vs SMB

SA KANILANG mga kakulangan ay batid ng NorthPort Batang Pier na kailangan nilang kumayod nang husto para magkaroon ng tsansang manalo.

Isang talentadong koponan sa katauhan ng San Miguel Beer ang makakasagupa nila kaya mas lalong kailangan nilang magdoble kayod at iangat ang lebel ng kanilang paglalaro.

“Coach (Bonnie Tan) says we have to play harder than the other team from the first second of the game,” wika ni NorthPort import Venky Jois.

At iyan ang pinakamabisang sandata na maaaring magamit ng Batang Pier kontra Beermen sa  PBA Commissioner’s Cup ngayong Biyernes sa PhilSports Arena sa Pasig.

Nakatakda ang laro sa alas-8 ng gabi kung saan target ng parehong koponan na manatili sa upper half ng  team standings.

Ang Beermen ay rumatsada sa tatlong sunod na panalo matapos masilat ng NLEX Road Warriors, 117-113, sa kanilang season debut.

Samantala, ang Batang Pier ay may 4-2 kartada at handa sa kanilang face-off sa Beermen na sumasakay sa momentum ng back-to-back wins laban sa TNT Tropang Giga, 128-123, at Converge FiberXers, 111-95.

Noong Miyerkoles ay nagtala si Jois ng double-double na 39 points at 21 rebounds habang naglalaro sa maling pares ng sapatos kontra Jamil Wilson at sa kanyang Converge teammates.

Nalusutan ni Jois ang pagkasira ng sapatos sa fourth quarter na natagalan bago napalitan.

Dahil sa kanyang determinasyon ay naihatid ng Australian cager ang NorthPort sa panalo upang manatiling kabilang sa early tournament leaders kasama ang Magnolia (6-0), Phoenix Super LPG (5-1), Barangay Ginebra (4-1), Meralco (4-1) at San Miguel (3-1).

Subalit tiyak na mahihirapan sila sa Beermen sa presensiya ni June Mar Fajardo at ng teammates nito.

Mapapalaban din si Jois kay Ivan Aska, isang well-built import na may averages na 28 points, 12 rebounds at 4 assists kada laro.

Sa unang laro sa alas-4 ng hapon ay target ng Rain or Shine ang back-to-back wins kontra NLEX squad na nasa skids.

Galing sa breakthrough 115-110 win laban sa Blackwater noong Sabado, sisikapin ng Elasto Painters na makopo ang ikalawang sunod na panalo na magbibigay-daan para makatabla nila ang  Road Warriors sa 2-5.

CLYDE MARIANO