BEERMEN, BOLTS AGAWAN SA 2-1

TINANGKANG pigilan ni June Mar Fajardo ng San Miguel si Cliff Hodge ng ­Meralco sa mainit na tagpong ito ng kanilang sagupaan sa Game 2 ng PBA Philippine Cup finals noong Biyernes sa Araneta Coliseum. PBA PHOTO

Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)

6:15 p.m. –  San Miguel vs Meralco

(Game 3, best-of-7 final series)

SISIKAPIN ng San Miguel na masundan ang 95-94 panalo laban sa Meralco sa Game 3 ng  PBA Philippine Cup finals ngayong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Sumandal ang Beermen kina CJ Perez at Marcio Lassiter upang maitakas ang come-from-behind win sa Game 2 noong Biyernes ng gabi.

Ang reigning champions ay naghahabol sa 93-89 sa huling 27 segundo nang isalpak ni Perez ang clutch 3 na nagtapyas sa deficit sa isang puntos lamang.

At matapos ang split sa foul line ni Chris Banchero, ipinasok ni  Lassiter ang isang step back 3 upang bigyan ang San Miguel ng 95-94, may 13 segundo sa orasan.

Tumapos si Perez na may playoff career-high 34 points upang tulungan ang San Miguel na itabla ang best-of-seven series sa 1-1.

Sa pagkatalo ay nasayang ang season-high na 25 points ni Cliff Hodge para sa Meralco.

Inaasahan namang babawi ang Bolts upang kunin ang 2-1 bentahe sa serye.

CLYDE MARIANO