BEERMEN DIDIKIT SA KORONA

MAHIGPIT na naglalaban sina San Miguel Beer import Bennie Boatwright at Magnolia counterpart Tyler Bey sa Best Import award na iaanunsiyo sa Game 4 ng PBA Commissioner’s Cup finals sa Biyernes, Pebrero 9. Kuha ni RUDY ESPERAS

Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)

7:30 p.m. – San Miguel vs Magnolia
(Game 3)

LALAPIT ang San Miguel Beer sa pag-ukit ng kasaysayan sa liga sa pagpapatuloy ng PBA Commissioner’s Cup finals ngayong Miyerkoles.

Wala pang koponan ang nagwagi ng PBA crown via sweep sa buong playoffs.

Sa mainit na run sa elims, dalawang panalo na lamang ang kailangam ng Beermen upang makamit ang tagumpay at mabawi ang korona sa Commissioner’s Cup.

Determinado si coach Jorge Gallent at ang kanyang tropa na kunin ang 3-0 bentahe laban sa Magnolia Hotshots sa Game 3 ng  race-to-four showdown sa Smart Araneta Coliseum.

Nakatakda ang laro sa alas-7:30 ng gabi kung saan ang panalo ng Beermen ay maglalagay sa kanila sa bingit ng record-setting playoffs sweep – at mg ika-29 na league crown.

Subalit para kay Gallent, ang mahalaga ay ang kampeonato.

The sweep is not even on our minds. Our team is thinking how to get four games,” sabi ni Gallent, isang multi-titled coach sa PBL at ngayon ay dalawang panalo na lamang mula sa kanyang unang PBA crown sa kanyang ikalawang conference pa lamang bilang SMB head coach.

Hindi maikukubli ang determinasyon ng Beermen na magwagi sa unang dalawang laro, kung saan napanatili nila ang apoy ng kanilang perfect run sa playoffs matapos ang kanilang 127-122 quarterfinals win kontra Rain or Shine at 3-0 pagbasura sa Barangay Ginebra sa semifinals.

Gagawin naman ni coach Chito Victolero at ng kanyang tropa ang lahat para makabawi at matapyas ang deficit sa 2-1.

Pinataob ng SMB ang Magnolia sa Game 1, 103-95, at umulit sa Game 2, 109-85.

Walang nagawa ang Hotshots para patahimikin si  Bennie Boatwright, na may sapat na suporta mula kina Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter at Jericho Cruz.

CLYDE MARIANO