LUMUSOT si San Miguel import Bennie Boatwright sa depensa ni Christian Standhardinger ng Barangay Ginebra sa Game 2 ng PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinals. PBA IMAGE
LUMAPIT ang San Miguel sa finals makaraang pataubin ang Barangay Ginebra, 106-96, sa Game 2 ng kanilang best-of-five semifinals series sa PBA Commissioner’s Cup kahapon.
Kinuha ng Beermen ang commanding 2-0 series lead at maaaring tapusin ang reigning champions sa Linggo sa Game 3 sa parehong venue.
Muling naging matatag ang San Miguel, na nalusutan ang Gin Kings noong nakaraang Miyerkoles, sa stretch upang ibasura ang Ginebra at makontrol ang series.
Isinalpak ni Marcio Lassiter ang isang three-pointer upang bigyan ang San Miguel ng 94-88 kalamangan bago tinapyas ni Jamie Malonzo and deficit sa tatlo kasunod ng kanyang triple sa fourth.
Magaan na ipinasok ni San Miguel import Bennie Boatwright ang isang long bomb sa harap ng depensa ni Tony Bishop para sa 99-93 bentahe, may 1:49 ang nalalabi.
Isinalpak ni Lassiter ang dalawang free throws makaraang makakuha ng foul kay Bishop bago na-split ni June Mar Fajardo ang kanyang charities at kinuha ng San Miguel ang 102-95 lead tungo sa panalo.
Tumapos si Boatwright na may 38 points, 9 rebounds, at 2 assists habang umiskor sina Fajardo at CJ Perez ng tig- 17 markers at kumalawit ang seven-time MVP ng 14 boards at nagtala ng career-high 6 blocks.
Nakalikom si Lassiter ng 16 points, kabilang ang apat na triples at dumikit ang San Miguel sa kanilang unang Commissioner’s Cup finals appearance magmula noong 2019.
Nanguna si Bishop para sa Ginebra na may 25 points, 9 rebounds, 1 assist, at 1 steal habang nagbuhos si Malonzo ng 27 points, na sinamahan ng 4 assists, 2 steals, at 1 block.
CLYDE MARIANO
Iskor:
San Miguel (106) – Boatwright 38, Perez 17, Fajardo 17, Lassiter 16, Teng 7, Trollano 5, Cruz 4, Tautuaa 2, Brondial 0, Ross 0, Enciso 0.
Ginebra (96) – Malonzo 27, Bishop 25, Ahanmisi 13, Thompson 9, Standhardinger 9, Pringle 6, Pinto 5, J.Aguilar 2, Tenorio 0.
QS: 23-21, 43-46, 76-74, 106-96.