Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Phoenix vs Meralco
7:30 p:m. – Magnolia vs San Miguel
ISANG panalo na lamang ay maaaring sementuhan ng San Miguel (7-0) ang Top 2 seeding at ang twice-to-beat incentive sa PBA Philippine Cup quarterfinals.
Nakadikit sa kanila ang Magnolia Chicken Tiplados.
Maghaharap ang Beermen at Hotshots sa alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa rematch ng kanilang Commissioner’s Cup title showdown.
Determinado ang Beermen na mapanatili ang kanilang bentahe kung kaya ibinubuhos nila ang lahat kahit sa ensayo.
“Nagbubugbugan kami sa ensayo,” sabi ni CJ Perez patungkol sa matinding lakas at pagsisikap na ibinibigay ng Beermen sa ensayo upang manatili sa porma.
Sa laro ay sisikapin ng Beermen na masulit ang paggamit sa individual talents na mayroon sila, hindi sa paglalaro ng indibidwal, kundi bilang isang koponan.
“I always say this – if we share the ball, we’re a great team. If we don’t, we’re a normal team,” sabi ni coach Jorge Gallent.
Ang Beermen ay wala pang talo, subalit maaaring maharap sila sa pinakamalaking hamon sa Hotshots, ang second-running team na sumasakay sa momentum ng four-game streak.
Nakahanda si Gallent para dito.
“We’ll treat them as a threat to us,” wika ng SMB coach.
Determinado rin si coach Chito Victolero at ang kanyang tropa na palakasin ang kanilang kampanya.
Sa 5-2, ang Hotshots ay nasa mahigpitang laban sa Barangay Ginebra Kings (6-3) at NLEX Road Warriors para sa second spot.
Subalit ang kagyat na layunin ng Hotshots ay ang makapasok sa quarterfinals.
Kung malulusutan nila ang Beermen, ang Hotshots ay halos naroon na.
Mapananatili rin nila ang momentum papasok sa kanilang huling tatlong laro laban sa Meralco Bolts, Terrafirma Dyip at TNT Tropang Giga.
Makakalaban naman ng San Miguel ang NLEX, Blackwater at Meralco sa kanilang mga nalalabing asignatura.
Sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ay sisikapin ng Meralco at Phoenix na mapanatiling buhay ang kani-kanilang kampanya.
CLYDE MARIANO