Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – NorthPort vs Converge
6:45 p.m. – TNT vs Ginebra
LUMAKAS ang playoff bid ng San Miguel sa PBA Commissioner’s Cup makaraang maitarak ang 108-104 panalo kontra Phoenix kagabi sa PhilSports Arena.
Tumabo si Simon Enciso ng game-high 20 points upang pangunahan ang anim na players sa double figures.
Napigilan ng Beermen ang late surge ng Fuel Masters upang putulin ang kanilang two-game skid at umangat sa 4-5 para sa 10th place.
Tinapyas ng Phoenix ang 106-99 deficit matapos ang jumper ni Javee Mocon at tres ni Tyler Tio, subalit minadali ng Fuel Masters ang dalawang tira sa final minute.
Nabigo si Jason Perkins na bigyan ng kalamangan ang Phoenix nang sumablay sa layup, bagaman pinanatili ng San Miguel na nakabukas ang pintuan para sa paghahabol ng kalaban nang ma-split ni import Devon Scott ang kanyang free throws para sa 106-104 lead, may 11.8 segundo sa orasan.
Nangangailangan lamang ng dalawang puntos para maitabla ang talaan, sa halip ay tumira si Fuel Masters guard RJ Jazul ng three-pointer at sumablay.
Sinelyuhan ni CJ Perez ang panalo nang maipasok ang kanyang charities.
Tumapos si Scott na may 18 points, 14 rebounds, 6 assists, at 2 steals, nag-ambag si Perez ng 16 points, 4 assists, 3 rebounds, at 3 steals, habang nagdagdag si Marcio Lassiter ng 14 points.
Kumubra sina Mo Tautuaa at Jericho Cruz ng 12 at 11 points, ayon sa pagkakasunod, para sa San Miguel, na nagwagi sa kabila ng pagliban ni head coach Leo Austria dahil sa health and safety protocols.
Si assistant coach George Gallent ang pumalit kay Austria.
Nagbuhos si Mocon ng 18 points at 7 rebounds sa kanilang ikatlong sunod na kabiguan.
CLYDE MARIANO
Iskor:
San Miguel (108) – Enciso 20, Scott 18, Perez 16, Lassiter 14, Tautuaa 12, Cruz 11, Zamar 6, Manuel 4, Brondial 4, Herndon 3.
Phoenix (104) – Mocon 18, Serrano 14, Tio 14, Perkins 13, Anthony 13, Wesson 10, Rios 9, Jazul 9, Camacho 2, Pascual 2, Manganti 0, Garcia 0.
QS: 32-30, 60-56, 78-72, 108-104.