NANGIBABAW sa ere si Jeron Teng ng San Miguel laban kay Bradwyn Guinto ng Blackwater sa kanilang laro sa PBA Philippine Cup kahapon sa Philsports Arena. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
4:30 p.m. – Magnolia vs Terrafirma
7:30 p.m. – Rain or Shine vs NLEX
WALANG makapipigil sa San Miguel Beermen.
Nanalasa ang Beermen sa fourth quarter upang sibakin ang Blackwater Bossing sa quarterfinal contention, 124-109, at lumapit sa pagkumpleto sa pambihirang sweep sa PBA Philippine Cup eliminations.
Nagbuhos si CJ Perez ng 26 points, nag-ambag si Don Trollano ng 25, at kumamada si June Mar Fajardo ng 21 points at 16 rebounds upang tulungan ang koponan na kunin ang ika-10 panalo, may isang laro na lamang ang nalalabi bago sumalang sa playoffs.
Ang 15-point blowout ng Beermen ay isang fitting tribute sa jersey retirement ni dating teammate Arwind Santos nitong Miyerkoles sa Philsports Arena.
“I told the boys to win this for Arwind. Let’s not ruined his night,” sabi ni coach Jorge Gallent sa halftime makaraang tapyasin ng Blackwater ang 15-point deficit sa 60-53 sa break.
Nanatiling nakadikit ang Blackwater sa pagtatapos ng third period, subalit sinindihan nina Perez at Trollano ang 13-0 run sa pagsisimula ng fourth at lumayo ang San Miguel sa 101-80, may 8:41 ang nalalabi.
Ang pinakamalaking kalamangan ng Beermen ay 112-88.
Tumapos sina Troy Rosario, sophomore Jaydee Tungcab at rookie James Kwekuteye na may tig-15 points, Tyrus Hill na may 13, at Christian David na may double-double na 12 at 13 rebounds para sa Bossing, na nalasap ang ika-7 sunod na kabiguan para sa 3-7 record.
CLYDE MARIANO
Iskor:
San Miguel (124) – Perez 26, Trollano 25, Fajardo 21, Cruz 14, Romeo 12, Lassiter 11, Brondial 9, Teng 4, Manuel 2, Enciso 0, Tautuaa 0, Malillin 0, Ross 0.
Blackwater (109) – Tungcab 15, Kwekuteye 15, Rosario 15, Hill 13, David 12, Casio 8, Chua 8, Ilagan 7, Suerte 5, Nambatac 5, Guinto 2, Escoto 2, Sena 2, Jopia 0, Yap 0.
QS: 32-24; 60-53; 88-80; 124-109.