BEERMEN LUSOT SA BOSSING SA OT

beermen

Mga laro sa Miyerkoles:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – Blackwater vs Rain or Shine
6 p.m. – Meralco vs Ginebra

NALUSUTAN ng San Miguel ang Blackwater sa overtime, 110-107, upang mahila ang kanilang winning streak sa lima sa PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Sa panalo ay nanatili ang Beermen sa ibabaw ng standings na may 8-1 marka.

Nagposte sina Jericho Cruz, CJ Perez, at June Mar Fajardo ng pinagsamang 73 points para sa Beermen na nanalo sa kabila na nasayang ang 21-point lead sa regulation.

Nagbuhos si Fajardo ng 25 points, 18 rebounds, at 3 steals, kabilang ang pares ng pressure-packed free throws, may limang segundo ang nalalabi.

Ang naturang foul shots ang pumunan sa dalawang free throws na naisablay ni Fajardo sa huling bahagi ng fourth quarter, na nagbigay-daan para maipuwersa ng Blackwater ang extra time.

Tumapos din si Cruz na may 25 points bukod sa 4 rebounds at 4 assists, habang nagdagdag si Perez ng 23 points 8 rebounds, 5 assists, at 3 steals kung saan nagsanib-puwersa sila sa third-quarter breakaway.

Nagtuwang sina Perez at Cruz sa 15-0 run na nagpalobo sa 67-65 edge sa komportableng 82-65 kalamangan papasok sa fourth period.

“Ang hirap manalo,” sabi ni Beermen coach Leo Austria.

“After watching their previous games, I know this will be a tough game for us,” ani Austria.

“Blackwater showed some character in the endgame. They played really hard and clever and alam nila ginagawa nila. Maganda ang executions nila. We’re lucky we were able to pull off a win.”

Ang pagkatalo, ang ikalawa nila sa pitong laro, ang pumutol sa four-game winning streak ng Bossing.

Nanguna si Rashawn McCarthy para sa Bossing na may 22 points habang tumapos si Rey Suerte na may career-high 18 points at nagdagdag si Jayvee Casio ng 15 points, ang huling tatlo ay isang triple na nagdikit sa kanila sa 107-108, may pitong segundo ang nalalabi sa OT.

Iskor:
San Miguel (110) – Cruz 25, Fajardo 25, Perez 23, Tautuaa 17, Lassiter 5, Herndon 5, Zamar 4, Enciso 2, Canete 2, Faundo 2.
Blackwater (107) – McCarthy 22, Suerte 18, Amer 17, Casio 15, Ganuelas-Rosser 11, Ular 8, Sena 8, Taha 6, Ebona 2, Melton 0, Escoto 0, Ayonayon 0, Torralba 0.
QS: 19-17, 47-44, 82-65, 97-97 (reg.), 110-107 (OT).