BEERMEN MASUSUBUKAN VS FUEL MASTERS

Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m – Terrafirma vs NLEX
7:30 p.m. – San Miguel vs Phoenix

MATAPOS maglaro para sa San Miguel Beer sa East Asia Super League, palalakasin ni Quincy Miller ang Beermen sa PBA Season 49 Commissioner’s Cup, sisimulan ang kanilang kampanya laban sa Phoenix Super LPG Fuel Masters ngayong Martes sa Ninoy Aquino Stadium.

Nakatakda ang salpukan ng Beermen at Fuel Masters sa alas-7:30 ng gabi.

Ito na ang ikatlong PBA tour of duty ni Miller, isang three-year NBA veteran, makaraang maglaro para sa Converge FiberXers noong 2022 pagkatapos ay sa TNT Tropang Giga noong 2023.

Isa sa dalawang imports ng SMB sa EASL, si Miller ay magkakaloob din ng serbisyo sa Beermen sa torneong ito kung saan sisikapin nilang makabawi mula sa pagkatalo sa Barangay Ginebra Kings sa kanilang semifinal clash sa nakalipas na Governors’ Cup.

Si coach Jorge Gallent at ang kanyang tropa ay sinibak ni coach Tim Cone at ng Gin Kings sa anim na laro ng isang race-to-four series.

Sa isang turnaround bid, umaasa ang San Miguel na maging mainit sa kanilang debut game kontra Phoenix side na naghahangad na maiposte ang unang panalo sa tatlong simula.

Ang Fuel Masters, sa pangunguna ni 6-foot-9 import Donovan Smith, ay yumuko sa Hong Kong Eastern team, 102-87, sa opening day at naungusan ng Meralco Bolts, 111-109, sa sumunod na laro.

Naitakas ng Bolts ang panalo sa go-ahead one-hander mula kay import Akil Mitchell.

Ang tropa ni coach Jamike Jarin ay nahirapan nang husto laban sa guest team mula sa Hong Kong subalit maagang nag-init sa pagkamada ng 73 points sa first half kontra Bolts.

Sasandal ang Fuel Masters kay Smith sa pag-asang magkaroon ng magandang laban sa Governors’ Cup.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay maghaharap ang NLEX at Terrafirma. CLYDE MARIANO