NAG-AGAWAN sa bola sina Bennie Boatwright ng San Miguel at Abu Tratter ng Magnolia sa Game 1 ng PBA Commissioner’s Cup Finals kagabi sa Mall of Asia Arena. PBA IMAGE
Laro bukas:
(Mall of Asia)
6:15 p.m. – Magnolia vs San Miguel
NAG-INIT ang San Miguel sa first half, subalit naligtasan ang end game upang gapiin ang Magnolia Chicken Timplados, 103-95, sa Game 1 ng PBA Commissioner’s Cup kagabi sa SM Mall of Asia Arena.
Tinampukan nina Bennie Boatwright at Marcio Lassiter ang second quarter na may tatlong sunod na triples, at umiskor ang Beermen ng 41 points sa naturang quarter upang kunin ang 61-44 halftime lead sa mistulang magaan na panalo.
Subalit kinailangang lusutan ng Beermen ang late run ng Hotshots na naglagay sa kanilang panalo sa panganib matapos lumamang ng hanggang 20 points.
Sisikapin ng San Miguel na kunin ang 2-0 bentahe sa Game 2 sa Linggo sa SM Mall of Asia Arena.
Nanalasa ang Beermen sa first half, kung saan ipinasok nito ang 9 sa kanilang 18 shots mula sa tres, habang nalimitahan ang Hotshots sa isa lamang. Bumuslo rin ang San Miguel ng 54 percent sa first half sa laro na naging dikit pagkalipas ng ilang minuto.
Nalasap ng Magnolia ang Game 1 defeat dalawang araw makaraang gapiin ang Phoenix Super LPG sa Game 4 ng kanilang semifinal series.
CLYDE MARIANO