BEERMEN PINALAKAS ANG ‘TOP 4’ BID

PBA San Miguel import Bennie Boatwright, Jr.

DALAWANG kamay na nag-dunk si San Miguel import Bennie Boatwright, Jr. sa kanilang laro laban sa Terrafirma sa PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Araneta Coliseum. Kuha ni RUDY ESPERAS

Mga laro sa Miyerkoles:
(Araneta Coliseum)

4 p.m. – Phoenix vs Meralco

8 p.m. – NLEX vs Converge

IPINAKITA ni Bennie Boatwright kung ano ang kaya niyang gawin para matulungan ang San Miguel Beer.

Nagpasabog si Boatwright ng 51 points upang pangunahan ang Beermen sa ika-4 na sunod na panalo sa 132-110 pagbasura sa Terrafirma sa PBA Commissioner’s Cup nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Ang dating USC Trojan ay bumuslo ng 19-of-31 mula sa field, kabilang ang 7-of-13 mula sa  arc, halos doble ng kanyang 26-point output sa kanyang debut game noong Christmas Day nang magtala siya ng  9-of-26 at  3-of-12.

Pinangunahan ni Don Trollano ang mga local na nagbigay ng suporta, ang SMB ay hindi nahirapang iangat ang kanilang  record sa 7-3, isang marka na maaari pa nilang pataasin kapag nanalo sila sa  Blackwater sa Biyernes sa pagtatapos ng kanilang elimination round schedule.

Sa sandaling magwagi ang Beermen kontra Bossing tulad ng inaasahan, makukuha nila ang isa sa top four spots na may twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

“Just give all the credit to the coaches and my teammates, they were looking for me today,” wika ni Boatwright, na nagdagdag ng 12 rebounds, 3 assists at 2 blocked shots bago inilabas, may 2:55 pa ang nalalabi at abante ang SMB sa 124-106.

Ang pagkatalo ay ika-7 sunod ng Terrafirma upang mahulog sa  2-8 kartada kung saan ang kanilang huling laro ay kontra Meralco sa Biyernes.

Makaraang mabokya sa kanilang huling laro, si Javi Gomez de Liano ay bumawi sa pagkamada ng 26 points habang tumapos si Thomas de Thaey na may 17 points at 17 rebounds at nag-ambag si Stephen Holt ng 13 points para sa Dyip.

Nagtala si Trollano ng 22 points, tumabo sina CJ Perez at  Mo Tautaa ng tig-16 at nakakolekta si Terrence Romeo ng 12 points at 7  dimes. Gumawa lamang si playing assistant coach Chris Ross ng isang puntos ngunit nagbigay ng 10 times.

CLYDE MARIANO

Iskor:

San Miguel (132) –  Boatwright 51, Trollano 22, Tautuaa 16, Perez 16, Romeo 12, Lassiter 6, Cruz 6, Brondial 2, Ross 1, Teng 0.

Terrafirma (110) – Gomez de Liano 26, De Thaey 17, Tiongson 17, Holt 13, Camson 11, Sangalang 6, Cahilig 6, Carino 6, Miller 4, Alolino 4, Go 0, Ramos 0.

QS: 33-30, 67-60, 103-91, 132-110.