Laro bukas:
(Mall of Asia Arena)
5:45 p.m. – TNT vs San Miguel
SUMANDAL ang San Miguel Beer sa mainit na second half upang pataubin ang Talk ‘N Text, 109-100, sa Game 2 ng kanilang best-of-7 title series sa PBA Philippine Cup nitong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.
Nanguna sina Marcio Lassiter at Vic Manuel sa atake ng Beernen habang sumuporta sina June Mar Fajardo at CJ Perez upang selyuhan ang panalo at maitabla ang serye sa 1-1.
Gumawa lamang si Fajardo ng 13 points na mababa sa kanyang average, ngunit limang iba pang Beermen ang umiskor ng double figures para makabawi ang SMB mula sa 86-84 pagkatalo noong Linggo.
Sa panalo ay nakaiwas ang Beermen na mahulog sa 0-2 hole laban sa TNT side na na-miss ang serbisyo ni head coach Chot Reyes.
Maganda ang ipinakita ng Tropang Giga sa ilalim ni sub coach Sandy Arespacochaga sa unang tatlong quarters, kung saan inilagay ang Beermen sa duelo na walang koponan na lumamang ng mahigit anim na puntos.
Subalit dumating ang mga error ng TNT sa pagsisimula ng fourth, na nagbigay-daan para maitarak ng Beermen ang 15-point lead sa 95-80.
At hindi na napigilan ang tropa ni coach Leo Austria para maitabla ang serye.
Nagbuhos si Perez ng 23 points, nagdagdag si Manuel ng 20 habang nagtala sina Lassiter, Jericho Cruz at Moala Tautuaa ng 19, 12 at 11, ayon sa pagkakasunod-sunod.
“Struggle kami nang husto sa Game 1, at pinagtrabahuhan namin nang husto ito ngayon,” sabi ni Manuel.
Nanguna para sa Tropang Giga si RR Pogoy na may 28 points, tampok ang anim na three-pointers.
Kumubra si Jayson Castro ng 15 points, nag-ambag si Kib Montalbo ng 14 habang gumawa sina Kelly Williams at Troy Rosario ng pinagsamang 21.
CLYDE MARIANO
Iskor:
San Miguel (109 ) – Perez 23, Manuel 20, Lassiter 19, Fajardo 13, Cruz 12, Tautuaa 11, Brondial 7, Ross 4, Enciso 0, Zamar 0.
TNT (100) – Pogoy 28, Castro 15, Montalbo 14, Rosario 11, K.Williams 10, M. Williams 7, Erram 7, Reyes 3, Ganuelas-Rosser 3, Khobuntin 2, Marcelo 0.
QS: 30-28, 51-51, 82-79, 109-100