BEERMEN SA ‘FINAL 4’

BEERMEN 

NABUHAY ang title retention bid ng Philippine Cup champion San Miguel Beer makaraang sibakin ang mortal na karibal na Talk ‘N Text sa kanilang ‘do-or-die’  quarterfinal match, 96-86, kagabi sa Araneta Coliseum.

Tatlong Beermen ang umiskor ng double digits, sa pangunguna ni June Mar Fajardo, na may game-high 32 points at 14 rebounds.

Nabigo sina Kelly Williams at Yousef Taha na pigilan ang  6’9 na si Fajardo, na dinala ang SMB sa semifinals.

“Ibinuhos ko ang lahat ng aking nala­laman sa basketball dahil gusto naming manalo. Salamat at hindi kami nabigo,” sabi ng five-time MVP.

Para kay coach Leo Austria, ang solidong depensa, kasama ang swirling offense, ang nagdala sa kanila sa panalo.

“Defense did it for us,” sabi ni Austria.

“We analyzed Game 2 and found out our defense was shaky. We made adjustments and solidified our defense. That was the key to victory. I praised not just one but all of them for their efforts and heroism . All of them contributed to the victory,” wika ni Austria, puntirya ang ika-5 ti­tulo sa kanyang career magmula noong 2012.

Determinadong gumanti at kunin ang ikatlong semifinal seat, hindi pinaporma ng Beermen ang Tropang Texters kung saan umabante ito sa 66-43  at pinalobo sa 77-55 sa third quarter.

Pinilit kunin ng TNT ang panalo at buhayin ang kanilang ambisyon na mabawi ang titulo na kanilang hinawakan noong 2013 sa panahon ni coach Chot Reyes subalit bigo silang talunin ang defending champion.

Panay ang balasa ni coach Mark Dickel subalit hindi ito makahulma ng epektibong formula upang makaahon ang Tropang Texters. CLYDE MARIANO

Iskor:

San Miguel (96) – Fajardo 32, Standhardinger 17, Romeo 11, Cabagnot 8, Ross 8, Santos 7, Lassiter 6, Tubid 5, Rosser 2, Pessumal 0, Zamar 0.

TNT (86) – Pogoy 16, Heruela 10, Castro 10,  Taha 10, Rosario 10, Williams 9, Bono 6, Reyes 5, A. Semerad 4, Trollano 2, Washington 2, Casino 2, Carey 0, D. Semerad 0.

QS: 25-10, 53-27, 77-55, 96-86

Comments are closed.