BEERMEN SA FINALS

bolts vs beermen

NAG-INIT sina June Mar Fajardo at CJ Perez sa second half upang tulungan ang San Miguel Beer na pataubin ang Meralco, 100-89, sa deciding Game 7 ng PBA Philippine Cup semifinals at maisaayos ang titular showdown sa Talk ‘N Text kagabi sa Araneta Coliseum.

Nagbuhos si Fajardo ng double-double na 29 points at 14 rebounds habang kumamada si Perez ng 19 points at 9 assists.

Nagdagdag si Marcio Lassiter ng 16 points para sa Beermen na determinadong pawiin ang pagkauhaw sa kampeonato.

Ang San Miguel ang winningest ball club sa liga ngunit walang korona magmula nang mabigo sa grand slam noong 2019. At matagal na ito para sa isang koponan na binuo para mabawi ang dominasyon sa liga.

Mula sa 14 point-halftime lead ay naitarak ng Beermen ang 20 puntos na kalamangan sa 8-0 blitz at matindimg depensa sa third period.

Tinapyas ng Bolts ang deficit sa 9 points, 96-87, subalit ito na lamang ang pinakamagandang nagawa ng tropa ni coach Norman Black.

Tumipa si Cliff Hodge ng 23 points, habang nag-ambag si Chris Newsome ng 14 para sa Meralco.

Nauna nang umabante ang Tropang Giga sa finals nang gapiin ang Magnolia sa isa pang semifinal series, 4-2.

CLYDE MARIANO

Iskor:
San Miguel (100) – Fajardo 29, Perez 18, Lassiter 16, Manuel 13, Cruz 12, Tautuaa 7, Enciso 5, Brondial 0.
Meralco (89) – Hodge 23, Newsome 14, Black 13, Almazan 12, Banchero 8, Hugnatan 8, Quinto 7, Maliksi 4, Pasaol 0, Jose 0, Pascual 0.
QS: 26-12, 45-31, 73-54, 100-89.