BEERMEN SALO SA LIDERATO

Mga laro sa Miyerkoles:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – TNT vs Converge
5:45 p.m. – NLEX vs Ginebra

NAGING matatag ang San Miguel Beer sa krusyal na sandali upang maitakas ang 100-98 panalo kontra Magnolia at sumosyo sa liderato sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Kinamada nina Cameron Clark, Marcio Lassiter at Simon Enciso ang clutch points para sa Beermen sa stretch na nagpatahimik sa Hotshots tungo sa pagkubra ng apat na sunod na panalo upang makasalo ang Converge at NLEX sa ibabaw ng standings.

Sa pagkatalo ay nahulog ang Hotshots sa 0-3 record.

Ikinatuwa ni SMB coach Jorge Gallent ang panalo, lalo na kung paano hinarap ng kanyang tropa ang pressure mula sa Magnolia.

“Magnolia is a very strong and well-organized team so this was a really big game for us, just to put us to where we stand in this league,” sabi ni Gallent.

“I told the players to forget about the first three games because Magnolia is really a strong and good team,” dagdag ni Gallent. “So it’s good we won tonight, beating a strong team.”

Tumapos si Clark na may 19 points habang nagdagdag si Lassiter ng 18 points mula sa anim na triples. Tumipa si CJ Perez ng 17 points, nagtala si June Mar Fajardo ng 16 markers at 10 boards habang gumawa si Enciso ng 12 points at nagbigay ng 9 assists.

Nanguna si Paul Lee para sa Magnolia na may 19 points at nag-ambag si Jio Jalalon ng 17 markers, 7 boards, 5 assists at 6 steals. Nakakuha lamang ang Hotshots ng 13 points mula kay Eric McCree kasunod ng 4-of-18 clip mula sa field sa posibleng huling laro niya para sa Hotshots ngayong conference.

CLYDE MARIANO

Iskor:
San Miguel Beer (100) – Clark 19, Lassiter 18, Perez 17, Fajardo 16, Cruz 13, Enciso 12, Brondial 3, Manuel 2, Bulanadi 0.
Magnolia (98) – Lee 19, Jalalon 17, Mccree 13, Barroca 13, Abueva 11, Escoto 9, Laput 9, Dela Rosa 4, Wong 3, Reavis 0, Corpuz 0.
QS: 26-29, 47-51, 79-70, 100-98.