BEERMEN SASALANG NA (Bagong import ipaparada)

Mga laro ngayon:
(Ynares Center-Antipolo)
4 p.m. – Terrafirma vs Blackwater
8 p.m. – San Miguel vs NLEX

SISIMULAN ni San Miguel coach Jorge Gallent at ng kanyang tropa ang kanilang kampanya sa pagsagupa sa NLEX sa PBA Commissioner’s Cup ngayong Miyerkoles sa Ynares Sports Center sa Antipolo.

Nakatakda ang laro sa alas-8 ng gabi matapos ang bakbakan ng Terrafirma at Blackwater sa alas-4 ng hapon.
Sina June Mar Fajardo, CJ Perez, Chris Ross at Marcio Lassiter, galing sa pagsabak sa Asian Games bilang bahagi ng Gilas Pilipinas na nagkampeon sa quadrennial meet, ay magbabalik sa aksiyon sa PBA at muling makakasama ang kanilang teammates na kinabibilangan ngayon nina bagong SMB recruit Jeron Teng at bagong import Ivan Aska.

Magtatangka sila sa kanilang unang korona sa isang import-laced tourney magmula nang pagharian ang 2019 Commissioner’s Cup kasama si import Chris McCullough.

“We haven’t won since the time of McCullough,” sabi ni Gallent.

Bagama’t hindi pa rin makakasama si forward Vic Manuel sa kaagahan ng torneo, ang Beermen ay malakas pa rin sa pangunguna nina Fajardo at Aska, kasama sina Teng, Lassiter, Ross, Perez, Terrence Romeo, Jericho Cruz, Mo Tautuaa, Noy Baclao, Rodney Brondial at Allyn Bulanadi.

Aminado si Gallent na magiging malaking tulong si Teng sa koponan.

“I’m sure he’s gonna help us a lot,” sabi ni Gallent, at idinagdag na kailangang pagtrabahuhan ng dating La Salle Archer ang kanyang mga minuto. “If he’s playing well then I’m sure he’s gonna stay on the court.”

Si Aska ay isang maaasahang import, lalo na sa kanyang mayamang karanasan makaraang maglaro sa Belgium, Greece, Israel, South Korea, France, Macedonia at Puerto Rico.

Para sa kanilang PBA Season 48 debut, ang Beermen ay mapapalaban sa Road Warriors na galing sa 113-101 loss sa Phoenix Super LPG noong Biyernes.

Nakontrol ng NLEX ang unang tatlong quarters ngunit tumukod sa final canto.

CLYDE MARIANO