BELLO ‘DI MAGBIBITIW

SEC Bello III

IPINAGKIBIT-BALIKAT lamang ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang panawagan ng isang grupo na magbitiw na siya sa puwesto kasunod na rin ng akusasyon ng korapsiyon at umano’y pagtangging tulungan ang isang overseas Filipino worker (OFW) na maiuwi ang sanggol nito na nasa Saudi Arabia.

Nanindigan si Bello na hindi magbibitiw sa puwesto at nagpahayag ng paniniwala na may kinalaman ang mga naturang umano’y paninira, sa kanyang aplikasyon upang maging susunod na Ombudsman, kapalit nang magreretirong si Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Hinamon din nito ang mga nag-aakusa sa kanya na magpakita ng ebidensya, o mag-produce ng empleyado ng Department of Labor and Employment (DOLE), na magpapatunay na siya ay korap.

“’Pag nakakita sila, magre-resign ako,” ani Bello, sa panayam sa radyo.

Reaksiyon ito ni Bello sa naunang panawagan ng grupong Kilusang Pagbabago National Movement for Change na magbitiw na siya sa posis­yon, nang tumanggi umanong tulungan ang isang OFW na maiuwi ang kanyang sanggol na nasa Saudi Arabia.

Sa isang pulong balitaan, inakusahan pa ni Alie Dizon, secretary general ng grupo, si Bello na walang puso at walang malasakit sa tao, kaya’t hindi siya karapat-dapat sa naturang posisyon.

Nagbanta pa si Dizon na ibubunyag ang iba pang umano’y mga ilegal na aktibidad ng kalihim kung hindi ito bababa sa puwesto. ANA R HERNANDEZ

Comments are closed.