BELO ELITE PA RIN

on the spot- pilipino mirror

TMPOK ang martial arts at youth basketball sa ika-47 edisyon ng ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ngayong umaga  sa National Press Club sa Intramuros,  Manila.

Isasambulat nina Kru Zhie, founding president ng PhilThaiboxing Association of the Philippines, at Ed Dames ang pagsipa ng ‘Mano-Mano: Battle of the Strikers’ promotion sa Nobyembre 25 sa Du­maguete City.

Makakasama nina Zhie, isa sa resource speakers sa nakaraang GAB-Philippine Professional Sports Summit sa PICC, at Dames ang mga fighter sa magaganap na event.

Dadalo rin sa 10:00 a.m. public service program na inisponsoran ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, at  Community Basketball Association ang Arceegee Sportswear basketball teams na namayani sa nakalipas na Got Skills basketball tournament.

Lalarga sa Arceegee team si owner-manager Rinbert Galarde at sina coaches Ricky Ricafuente at Joseph Ochada.

Iniimbitahan ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight ang lahat ng mga opisyal at mga miyembro,  maging ang mga kaibigan sa sports community,  na dumalo sa sesyon na ipinalalabas ng live sa Facebook via Glitter Livestream.

Ang TOPS ay kinabibilangan ng sports editors, sportswriters at photographers ng mga pa­ngunahing tabloids sa Filipinas.



Pumirma ng tatlong taong kontrata si Mac Belo sa Blackwater Elite. May total na P16.2 million ang kanyang bagong kontrata.  Marahil ay tapos na ang bulung-bulungan na si Belo ang isusunod na iti-trade pagkatapos na ipamigay sina Ray Parks at DiGregorio sa TNT KaTropa, at Allein Maliksi at Raymar Jose sa Meralco. Sa pagpirma ni Belo sa mother team ay nakatuon ang puso’t isipan niya sa pagtulong sa Blackwater. Congrats.



PASINGIT: Congratulations sa mga pumasok sa 6th Inding-Indie Film Festival. Sa 18 films na lumahok sa screening kamakailan ay lima ang pumasok sa Inding Indie Films Festival na magaganap sa Dec. 20. Ang mga ito ay ang Ligaw nina Ryan James Vasquez at Ma. Anna Theresa Racal, If a Picture ni Romm Burlat, Bata, Bata Bakit Ka Ginawa ni Romm Burlat, Respeto #halik ni Raph Decena,  at Sumbang ni Jeff Fernandez.

Of course, congratulations kay director Ryan Favis, also executive producer ng Inding Indie films. Gayundin kay Mr. Ron Sapinoso, presidente ng Inding Indie Film Festival, at kay Miss Sure Manuel, VP President at PRO.  Sa mga pumasok sa film festival, good luck!