(Ni CHE SARIGUMBA)
KUNG may panahon lang na mag-travel ang marami sa atin at may sapat na salapi, paniguradong maya’t maya ang gagawin nilang pamamasyal. Ibang-iba nga naman kasi ang kaligayahang nadarama natin sa tuwing nakararating tayo sa lugar na bago sa ating paningin. May mga lugar din tayong pinapangarap nating marating.
Lahat nga naman ay nag-aasam na makarating sa ibang lugur. Tuwing summer din, madalas na nagpaplano ang magkakapamilya at magkakaibigan na magliwaliw o magbakasyon.
Inaabangan nga naman ng marami ang summer dahil ito ang swak na panahon upang mag-travel. Bukod sa swak na panahon ito sa bawat isa sa atin na nagnanais na makarating sa ibang lugar, marami rin itong benepisyong naidudulot gaya na lang ng mga sumusunod:
PAGKAKAROON NG TIWALA SA SARILI
Iba-iba ang ugaling taglay ng isang tao. May ilan na matindi ang tiwala sa kanilang kakayahan. Iyong tipong sa sobrang bilib sa sarili, nagiging mayabang na. May iba naman na kahit na may angking galing at talento, tila hindi nila ito gaanong nakikita at nag-aalangan pa sa kanilang kakayahan.
Kunsabagay, may kahinaan at kalakasan ang bawat nilalang. At isa sa magandang benepisyo o naidudulot ng pagta-travel—summer man o hindi—ay ang pagbibigay nito ng lakas ng loob sa isang tao.
Ibig sabihin, sa pamamagitan ng pagta-travel ay lumalakas ang loob ng isang traveler at nadaragdagan din ang tiwala nito sa sarili.
Nakatutulong ang pagtungo sa ibang lugar na malayo sa comfort zone ng isang tao upang ma-build ang tiwala nito sa sarili.
Malaki rin ang naitutulong ng mga challenges na maaaring kaharapin habang nagta-travel upang madagdagan ang tapang at tiwala sa sarili ng isang indibiduwal.
NAGKAKAROON NG MARAMING KAKILALA AT KAIBIGAN
Sa maraming aspeto ng buhay, napakahalaga ang pagkakaroon ng mga kakilala at kaibigan. Malaki nga naman ang naitutulong ng mga kaibigan, gayundin ng mga kakilala upang mahubog ang kakayahan ng kahit na sino.
Sa pamamagitan din ng pagkakaroon ng maraming kakilala at kaibigan ay nagkakaroon tayo ng malaking tiyansang lumago ang negosyo o maging ang pansariling kakayahan.
At isa sa mainam gawin upang magkaroon ng maraming kakilala at kaibigan ay ang pagta-travel o pagtungo sa iba’t ibang lugar.
KATIWASAYAN AT KATAHIMIKAN NG LOOB
Isa pa sa benepisyong handog o dulot ng pagliliwaliw o pagtungo sa ibang lugar ay ang katiwasayan at katahimikan ng loob.
Hindi maiiwasan ang stress sa panahon ngayon.
Napakarami nga namang dahilan kaya’t nakadarama tayo ng stress gaya na lang ng trabaho at traffic.
At para ma-relax, mainam ang pagtungo sa ibang lugar o ang pagta-travel.
NAHAHASA ANG COMMUNICATION SKILLS
Nahahasa ang galing sa pagsasalita at pakikipag-usap, isa pa ito sa naidudulot ng pagta-travel.
Sa pagtungo mo nga naman sa ibang lugar, hindi naman puwedeng tumahimik ka lang. Siyempre, importante ang pakikipag-usap sa mga nakakasalamuha mo o mga taong nasa paligid nang magkaintindihan kayo.
Kaya’t bukod sa nagkakaroon tayo ng lakas ng loob kapag nagtutungo tayo sa ibang lugar, natutulungan din tayo nitong mahasa ang ating communication skills.
KATANGI-TANGING MEMORIES
Ligaya, isa pa ito sa naibibigay sa atin ng pagta-travel. Kapag malungkot tayo, laging iniisip natin ang magtungo sa ibang lugar para makapag-relax at sumaya.
Bukod din sa ibayong kaligayahan, katangi-tanging memories din ang dulot sa atin ng pagtungo sa iba’t ibang lugar. Mga memory na saan man tayo makarating, dala-dala natin sa ating isipan.
Masaya at masarap ang mag-travel. Hindi lamang din luho ang pagta-travel dahil marami itong benepisyo sa ating kalusugan, gayundin sa pagpapalawak ng ating kakayahan.
(photo credits: 1mhowto.com, littlebirdietravel.com, dumblittleman.com)
Comments are closed.