BENEPISYO NG PANGUNGUTANG

perapera


By Earvin Salangsang

NAPAKARAMI na ng mga paraan upang makautang ngayon. Mula sa traditional na mga bangko, credit card at financing companies, maging ang ating mga cash ­wallet applications sa ating mga cellphones ay maaari na rin tayong maka-access ng cash loans.

Kaya naman, marami sa ating mga kababayaan ang umuutang kahit hindi naman kailangan dahil napakadali nga naman nitong ma-access. Walang masama sa pangungutang.

Nagiging masama lamang ang epekto ng utang kung ginamit ito sa walang kabuluhang bagay. Bad credit o bad debt ang madalas na tawag dito kung saan ay walang bumabalik na pakinabang mula sa pinaggamitan ng utang. Ano naman ang good credit?

Ito naman ang utang na ginamit sa mga bagay na maaa­ring makatulong sa pagdagdag ng ating kita at pagandahin ang pinansyal na kalagayan. Pag-usapan natin dito ang ilang mga benepisyo ng maayos na pangu­ngutang.

Accessible na Puhunan

Ang pangungutang ay isa sa mga pinakamadaling paraan upang maka-access ng puhunan kung magnenegosyo. Sa katunayan, isa sa mga mandato ng gobyerno at mga bangko ngayon ay ang magpautang sa mga mali­liit at mga gustong mag-umpisa ng negosyo. Kung mapatatakbo nang maayos ang naitayong negosyo, ang kita o cash flow na magmumula rito ay ang maaaring gamitin sa pagbabayad ng buwanang hulog sa inyong utang.

Leverage

Mas nakakamura ang mga negosyo sa pagbili ng bultuhan o ang tinatawag na pakyawan. Nagbibigay rin  ang ilang  suppliers ng discounts kapag cash ang pagbayad.  Malaki ang maitutulong ng pag-utang ng mga short-term loans upang masuportahan ang gamit na working capital upang samantalahin ang mga ganitong pagkakataon. Ang mga benepisyo ng mga trade discounts at mga rebates ay posibleng mas higit pa sa babayarang interest sa nakuhang loan.

Asset Acquisition

Ang makukuhang loan ay puwedeng gamitin sa pagbili ng mga asset na tumataas ang value kinalaunan tulad ng real estate. Maaari ring i-invest ito sa mga asset na nagdadala ng kita tulad ng pagpapatayo ng mga paupahang bahay, pagbili ng mga maki­narya para sa negosyo, o mga sasakyan tulad ng mga motor, kotse at delivery trucks para sa mga logistics business.

Investment sa Edukasyon

Ang pagpapaunlad ng sari­ling kakayanan ay magbubukas ng mas maraming oportunidad upang kumita. Bukod sa pagnenegosyo, ang perang makukuha sa pangungutang ay maaaring i-invest sa inyong sarili. Bukod  sa traditional na edukasyon, maaari ring mag- enroll sa mga workshop, mga vocational school, trade fairs at mga business forum upang makakuha at matuto ng mga panibagong kakayanan.

Emergency

Ito marahil ang pinaka-karaniwang dahilan kung kaya  tayo umuutang lalo na kung wala tayong emergency fund o insurance. Ang pag-utang upang makarekober sa pinsala ng mga sakuna o gastusin kapag tayo ay nagkasakit ay isang paraan upang hindi gaanong mara­mdaman ang pinansiyal na epekto ng mga ito.

Bagama’t may benepisyong dulot ang pangungutang, ito rin ay may potensyal na panganib kasama na ang inte­rest at pagkalubog dito. Mahalagang tandaan na kailangan ang kritikal na pagsusuri ng inyong layunin, pinansyal na kalagayan, bud­get, at kaka­yanan bago umutang. Sa huli, nakadepende sa responsableng pamamahala ng utang ang magiging epekto nito sa atin..

Ang may akda ay Vice Presi­dent-Finance/Comptroller ng DES Finan­cing Corporation, isang kumpanyang nagbibigay ng serbisyong-pinancial sa mga retiradong sundalo ng AFP at ­kanilang mga benepisyaryo.