INAMIN ng Department of Agriculture (DA) na hindi pa mararamdaman agad ng mga lokal na magsasaka ang mabuting epekto ng Rice Tariffication Law.
Sa budget briefing ng DA sa House Committee on Agriculture and Food, humarap si Usec. Ariel Cayanan habang hindi naman na nakadalo si DA Secretary William Dar dahil mas pinili nitong asikasuhin ang problema sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay.
Ayon kay Cayanan, sa 4th quarter pa ng taon mararamdaman ang benepisyo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na may obligated fund na P5 billion na inaasahang mapakikinabangan ng mga magsasaka.
Paliwanag ni Project Management Office Coordinator Director Roy Abaya, ngayong buwan pa lang inaasahan ang integration ng apat na components ng RCEF matapos mailabas ang SARO o Special Allotment Release Order noong Hulyo.
Bago matapos ang taon ay maipagkakaloob na, aniya, ang bidding contracts para sa equipment o machinery sa pagsasaka, 2.12 million bags ng seedlings ang maipamamahagi sa mga benepisyaryo habang 90 percent ng total cost ng produksiyon ang maaaring utangin ng mga magsasaka.
Samantala, isinasaayos naman na ang credit assistance para sa mga pinakaapektadong rice farmers na aabot sa P15,000 kung saan hindi ito papatawan ng interes at maaaring bayaran sa loob ng walong taon.
Dagdag pa ni Cayanan, pinag-aaralan na ng DA ang pagbibigay ng P600 na halaga ng bigas kada buwan at direktang pagbebenta ng palay sa concerned government agencies. CONDE BATAC
Comments are closed.