BENEPISYO SA BARANGAY EXECS

HINDI lang pang-honorarium ang dapat na igawad sa mga opisyal ng barangay na nagsisikap mapanatili ang kaayusan sa kani-kanilang komunidad.

Ito ang tahasang ipinahayag ni Senador Sonny Angara kasabay ang pagsasabing nararapat ding makatanggap ang barangay executives ng kaukulang benepisyo na tutumbas sa kanilang pagsisikap bilang unang hanay ng mga lingkod-bayan.

“Hindi makatarungan na ang mga taong hinalal ng taumbayan ay honorarium lang ang natatanggap,” pahayag ng senador sa kanyang pagharap sa mga opisyal at miyembro ng Liga ng Mga Barangay sa Bohol General Assembly na ginanap sa Tagbilaran City nitong Miyerkoles.

“Kung mayroong mga karapat-dapat na makatanggap ng sapat at tamang suweldo mula sa gobyerno, sila ay ang mga opisyal ng barangay na handang maglingkod sa kanilang mga kababayan, bente-kwatro oras, pitong araw kada linggo,” ayon pa kay Angara, chairman ng Senate Committee on Local Government.

Sa kanyang Senate Bill 2097 o ang panukalang Magna Carta for Barangays, isinasaad dito ang layuning palawakin ang reporma sa mga barangay sa bawat sulok ng bansa, at kabilang dito ang proposisyong gawing regular na empleyado ng gobyerno ang barangay officials na tatanggap ng regular na sahod at benepisyo.

Mahigit sa 42,000 barangays, kabilang ang 17 bagong barangay na nalikha sa ilalim ng komite ni Angara, ang tiyak na makikinabang sakaling maaprubahan ang panukalang ito ng senador.

Sa Local Government Code, honorariums lamang ang natatanggap ng barangay officials at walang sahod. Ang isang barangay chairman ay may buwanang P1,000 honorarium habang ang mga barangay councilor, treasurer at secretary ay tig-P600 honorarium lamang.

Sa panukala ng senador, hiniling niya na dapat tumanggap ang isang barangay chairman ng suweldong katumbas ng sinasahod ng isang Sangguniang Bayan member (SG 24-25) o ng sinasahod ng isang Sangguniang Panglungsod (SG 27) na sakop ng kanyang munisipalidad o lungsod.     VICKY CERVALES

Comments are closed.