NAIS tiyakin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maibibigay ang benepisyo ng mga health worker.
Ito ang utos ni PBBM kay Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.
Ayon kay Vergeire, bukod sa benepisyo ng health workers, pinatitiyak din ng Pangulo na paigtingin pa ang ginagawang pagbabakuna kontra COVID-19 at pandemic response.
Sinabi pa ni Vergeire na sisimulan na nilang busisiin kung paano mapabibilis ang pagbibigay ng benepisyo sa health workers.
Sa ngayon ay mayroong pondo na isinalin sa DOH’s Centers of Health Development para sa benepisyo ng health workers.
Kailangan lang aniya ng karagdagang pondo para mabigyan ng karampatang benepisyo ang health workers.
Matatandaang inanunsiyo ng Malakanyang na itinalaga ni Pangulong Marcos si Vergiere bilang OIC ng DOH.