IGINIIT ng pamunuan ng National Press Club (NPC) ang pakakaroon ng mga dagdag na benepisyo sa media sa pagdinig ng binabalangkas na Media Welfare Act sa ilalim ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resource Development.
Sa isang position paper na isinumite ni NPC President Lydia Bueno, sinabi nito na umaasa ang pamunuan na maipapasa ito sa Senado ngayong 19th Congress, kung saan ang kaparehong panukala ay nakapasa sa Kamara noong 18th Congress.
Ayon kay Bueno, nais ng NPC na tiyakin na ang lahat ng media workers ay may karampatang kompensasyon o pasok sa minimum wage alinsunod sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board at mga benepisyo na itinakda ng batas katulad ng seguridad, matapos ang pansamantalang anim na buwan na trabaho at baklasin na rin ang correspondent system.
Ang correspondent ay binabayaran batay sa artikulo nilang ginagawa.
Dagdag pa ni Bueno, kailangan din na magkaroon ng hazard pays at kontrata at overtime fees.
Aniya, dapat din na maipasok sila sa Social Security System, Home Development Mutual Fund or Pag-IBIG Fund, at Philippine Health Insurance Corp.
Nangako naman si Senador Jinggoy Estrada, chairperson ng committee na pag-aaralan ang mga panukala para naman maisama sa binabalangkas na batas.
Kaugnay nito, iginiit naman ni Leonel “Boying” Abasola, NPC Representative, kasalukuyang Kalihim at tagasuma na ang kakulangang suporta ng mga kompanya at kawalan ng batas ay natutugunan naman ng Presidential Communication Office (PCO) sa ilalim ni Sec. Cheloy Garafil sa pamamagitan din ng the Presidential Task Force in Media Security (PTFoMS) Federation of Filipino Chamber of Commerce and Industry, Department of Social Welfare and Development.
Nang tanungin ni Senator Raffy Tulfo kung ano ang ginagawa ng Press Organizations sakaling may pananakot at intimidasyon, sinabi ni Abasol ana ang PTFOMS ang nag-uutos sa PNP na i-validate ang mga pananakot at sampahan ng kaso ang mga sangkot hanggang sa managot ito sa batas. VC