BENEPISYO SA NAKARARAMI

BAGO  lamang ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pagbigyan na makapasada ang unconsolidated jeepneys at UV Express units sa mahigit 2,500 ruta na mayroong maliliit na bilang ng nakapag-consolidate.

Layon ng hakbang na matulungan ang mga commuter na mayroong masakyan at hindi maantala ang kanilang pagpasok at pag-uwi mula sa hanapbuhay o pamimili.

Ang hakbang ay alinsunod sa Board Resolution Number 53 Series of 2024 ng LTRFRB na ang mga hindi nakaabot sa deadline ng consolidation ay hindi na kailangang magsumite pa subalit kailangan lamang silang aprubahan ng Local Transport Plant (LTRP) o ang Route Rationalization Plan (RRP).

Ito ang nakitang pamamaraan ng pamahalaan upang matiyak na sapat ang mga bumibiyaheng pampublikong sasakyan at hindi akusahan ang pamahalaan na may krisis sa transportasyon.

Kaya naman dapat nating kilalanin ang mga pag-aalalay na ito sa ating pamahalaan at huwag nang magmalaki pa ang isang grupo na napuwersa nila ang pamahalaan para gawin ito.

Dahil ang totoo, patuloy na pinakikinggan ng gobyerno ang hinaing ng bawat isa dahil anuman ang nasa isip at nararamdaman ay valid.

Sa paglipas ng panahon, kailangan lang na mag-upgrade ang ating transportasyon at ang mga hindi handa ay maaari namang makipag-usap nang maayos.

Sabi nga kung ano ang pabor sa nakararami, iyon ang sundin.