BILANG pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso, inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga benepisyong maaaring ma-avail ng mga kababaihan mula sa ahensiya.
Una na ang benepisyo sa panganganak sa ilalim ng Maternity Package na kinabibilangan ng pre-natal check-up na hindi bababa sa apat (4) na beses, panganganak, hanggang sa postpartum period.
Nagkakahalaga ito ng P6,500 kung sa ospital at P8,000 naman kung sa mga lying-in clinics.
Kung sakaling hindi naisagawa ang mga pre-natal check-up, maaari pa ring ma-avail ang Normal Spontaneous Delivery package kung saan kasama ang postpartum care na may halagang P5,000 sa ospital at P6,500 naman sa mga lying-in clinics.
Samantala, P19,000 naman ang benepisyo para sa ceasarian section delivery sa mga level 1 hanggang 3 na ospital.
Ipinaalala ng PhilHealth na dapat ay accredited ang mga pasilidad na pupuntahan para siguradong maka-avail ng benepisyo.
Para naman sa mga kababaihang may breast o cervical cancer, sila ay maaaring maka-avail ng Z Benefit Packages sa mga piling contracted hospitals ng PhilHealth sa buong bansa.
Ang Z Benefit para sa breast cancer stage 0-111A ay nagkakahalaga ng P100,000 kung saan sagot ang kumpletong serbisyo kasama ang operasyon, professional at hospital fees at chemotherapy. P125,000 hanggang P175,000 naman ang pakete para sa cervical cancer depende sa treatment options.
Nilinaw din ng PhilHealth na may selections criteria na itinakda ang ahensiya sa nasabing Z Benefit Packages upang matiyak ang mataas na posibilidad ng paggaling ng pasyente.
Sa kasalukuyan ay mayroong 19 contracted na ospital para sa Z package sa breast cancer; at anim (6) na ospital naman para sa cervical cancer package sa buong bansa.
Covered din ng PhilHealth ang gamutan sa ilang gynecological disorders gaya ng ovarian cystectomy (P23,300), vaginal hysterectomy (P30,300), dilatation at curettage o raspa (P11,000) at mastectomy (P22,000).
Para sa karagdagang impormasyon, mag-text sa 09216300009 para matawagan ng PhilHealth Action Center o mag-post ng komento, feedback, at suhestiyon sa PhilHealth Facebook page (www.facebook.com/PhilHealthOfficial)