BENILDE VS MAPUA SA NCAA FINALS

Laro sa Dis. 1
(Smart Araneta
Coliseum)
2 p.m. – Mapua vs Benilde

NALUSUTAN ng top-ranked Mapua ang third quarter meltdown upang maitakas ang 89-79 panalo laban sa Lyceum of the Philippines University at makabalik sa NCAA men’s basketball Finals kahapon sa Cuneta Astrodome.

Inaabangan na ni reigning MVP Escamis na matapos ang unfinished business mula sa championship heartbreak sa nakaraang season para sa Cardinals.

Walang titulo magmula noong 1991, nasayang ng Mapua ang 1-0 series lead sa finals nang matalo ng dalawang sunod sa San Beda noong nakaraang season.

“For sure, ‘yung maturity of how to handle the pressure in the finals, ‘yun ang mai-instill ko sa akin at pati na sa mga teammates ko,” sabi ni Escamis.

“Each year that passes, patagal nang patagal. Pero hopefully, (after) 33 (years), we’ll get the job (done).”

Tumapos si 24-year-old Escamis na may 33 points, kabilang ang limang triples, na sinamahan ng 4 rebounds, 3 assists, at 2 steals, habang nagdagdag si Chris Hubilla ng 17 points at 8 rebounds para sa Mapua.

Makakaharap ng Mapua sa championship ang College of Saint Benilde, na nakabawi makaraang bigong makapasok sa finals noong nakaraang season.

Hinubaran ng korona ng No. 2 Blazers, armado ng twice-to-beat bonus, ang third-ranked Red Lions, 79-63, upang maisaayos ang best-of-three titular duel sa Cardinals sa isa pang semis pair.

Ang Benilde, natalo sa Letran sa championship noong December 2022, ay nasibak noong nakaraang season sa semifinals at umaasang mawakasan ang sariling 24-year title drought.

Ang Cardinals-Blazers Finals opener ay nakatakda sa Disyembre 1, alas-2 ng hapon, sa Araneta Coliseum.

Nanguna si JM Bravo, kumana ng double-double na 20 points at 10 rebounds, para sa fourth-ranked Lyceum, habang nagposte si Ato Barba ng 14 points at umiskor sina Renz Villegas at Mac Guadaña ng tig-12 points para sa Pirates.

Iskor:
Unang laro
Mapua (89) – Escamis 33, Hubilla 17, Recto 10, Mangubat 7, Concepcion 7, Cuenco 6, Igliane 4, Bancale 4, Jabonete 1, Ryan 0, Garcia 0.

LPU (79) – Bravo 20, Barba 14, Vilegas 12, Guadaña 12, Daileg 6, Versoza 6, Moralejo 3, Cunanan 2, Montaño 2, Peñafiel 2, Aviles 0.

Quarterscores: 29-21; 55-46; 63-65; 89-79

Ikalawang laro
Benilde (79) – Liwag 20, Ynot 17, Ancheta 11, Sanchez 9, Cometa 5, Turco 4, Sangco 3, Oli 3, Eusebio 2, Ondoa 2, Cajucom 0, Morales 0, Serrano 0, Jarque 0.

San Beda (63) – Royo 14, Estacio 10, Andrada 7, Sajonia 6, RC Calimag 6, Bonzalida 5, Lina 4, Payosing 4, Tagle 3, Gonzales 2, Songcuya 2, Celzo 0, Tagala 0, Jalbuena 0, Ri. Calimag 0.

Quarterscores: 25-14; 53-27; 70-42; 79-63